Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson itatama patakbo ng PhilHealth, GSIS, SSS

0 87

Ipinahayag ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson na ang susunod na magiging pangulo ng bansa ay dapat na magbigay ng solusyon at itama ang mga problema sa mga ahensiya ng gobyerno at mga institusyon sa pananalapi.

Ibinigay na halimbawa ng senador ang mga kasalukuyang gawain sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) kung saan ginagastos umano ang kontribusyon ng mga miyembro sa mga bagay na tulad ng `representation expenses’.

“It’s unfair to the members to treat their contributions as income ng GFIs [government financial institutions]. `Yan isa lang ito na nakita natin na pwedeng baguhin in terms of the management of these institutions,” sabi ni Lacson.

Samantala, makakakuha umano ng pantay na oportunidad ang mga kababaihan sa paghawak ng mga importanteng puwesto sa gobyerno kapag nahalal na pangulo ng bansa sa 2022 election si Lacson.

Ayon kay Lacson, marami nang babae ngayon ang naging matagumpay sa kanilang pamumuno, kasama na rito si German Chancellor Angela Merkel at New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern.

“Napakaraming magagaling na women leaders hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo rin,” sabi ni Lacson sa isang panayam sa kanya kahapon.

Ibinahagi rin ni Lacson ang mga pag-aaral na nagsasabi na mas madaling matukso sa korapsiyon ang kalalakihan kaysa sa kababaihan.

Ngunit para kay Lacson, ang titingnan pa rin niyang basehan sa pagpili ng makakasama sa kanyang administrasyon ang mga indibidwal na may kakayahan at integridad na magsilbi sa bayan, anuman ang kasarian nito.

“Sa akin ang laging tinitingnan ko ang competence, especially integrity kasi napakaimportante,” sabi ni Lacson. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.