Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson markado sa Tsina

0 39

Kung ang China si “Big Brother” na namamahala sa Bahay ni Kuya, at “housemates” ang mga presidential aspirant, malamang na tatargetin nitong ma-evict agad ang pambato ng Partido Reporma na si Senador Ping Lacson.

Sa lahat kasi ng presidentiables, si Ping lang ang kauna-unahang nagpakita ng malakas na mensahe sa China na hindi niya isusuko ang anumang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea, nang magtungo siya sa Pag-asa Island at simbolikong magtaas doon ng bandila ng bansa.

Ang Pag-asa Island mga tropapips ang pinakamalaking “natural” na isla sa Kalayaan Group of Islands na sakop ng bansa, na ngayon ay binabantayan at iniikot-ikutan ng mga Chinese militia vessels.

Mayroong mga sibilyan na nakatira rito at napakaimportanteng bahagi ng bansa pagdating sa puwestuhan ng depensa, dahil malapit lang ito sa Palawan.

Kung tutuusin, iniiwasan ng mga lider ng bansa na magpunta sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo dahil sa ayaw nilang magalit o mainis si “Big Brother.”

Pero si Ping, bilang chairman ng Senate Committee on National Defense, nagpunta roon para malaman niya ang sitwasyon at pangangailangan ng mga sundalo roon at mga sibilyan na karamihan ay mga mangingisda.

Importante ito dahil hinihimay ngayon ang 2022 national budget. Kaya kung may nakita mang kailangan na ilagay sa Pag-asa Island, maaaring isingit na ngayon ang pondo sa deliberasyon ng badget nang maipatupad na agad ang proyekto sa susunod na taon.

Nang mabalitaan kasi ang ginawa na namang pagharang at pambomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mas maliliit na bangka ng Pilipinas na magdadala ng suplay sa mga sundalong nagkukuta sa bulok na barko sa Ayungin Shoal, marami na namang Pinoy ang nagalit.

Siyempre, may mga kandidato rin na umalma pero hanggang eme-eme lang. Pero si Ping Lacson, dahil nga ginagawa niya ang sinasabi niya, ipinamukha niya sa China na hindi siya ang klase ng lider na mananahimik na lang kapag binabarako na ang Pilipinas.

Pero hindi niyo ba napansin mga tropapips na may isang presidentiable na dedma sa nangyari sa Ayungin Shoal? Siya kaya ang manok ni “Big Brother” sa eleksiyon at posibleng sinusuportahan ang napapabalitang mga alaga niyang trolls?

Nang lumabas nga ang mga balita sa pagpunta at pagtaas ni Ping ng bandera sa Pag-asa Island, aba’y napakaraming trolls ang bumanat sa ginawa niya. Pero halata mong mga troll ang nagkokomento sa mga post dahil halos iisa ang linya ng kanilang puna–ginawa lang daw ‘yon ni Ping dahil eleksiyon, at bakit ngayon lang daw.

Ngunit kung tutuusin, kahit noon pa ay malinaw na ang posisyon ng senador na galit siya sa ginagawang pambabarako ng China sa mga mangingisdang Pinoy at pati na sa pag-agaw nito sa mga teritoryo ng bansa. Iyon nga lang, dahil senador lang siya, wala sa kaniya ang pasya kung ano ang dapat gawin ng pamahalaan.

Kung maraming trolls ang pumupuna, marami ring netizens siyempre ang nagpahayag ng suporta sa ginawa ni Lacson. At ang sinasabi nila, huwag sanang magbabago ang kaniyang paninindigan kapag siya ang nanalong pangulo sa darating na halalan sa Mayo 2022.

Kaya kung galit ka sa ginagawang pambabarako ng China sa Pilipinas, mag-Ping Lacson ka para maasar sila. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.