Abante Tonite Interactive

Lacson may death threat na bago inambus

728

Nakakatanggap na umano ng mga pagbabanta sa buhay ang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) bago ito tinambangan noong Sabado nang gabi.

Sa salaysay sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ni Elsie Macanang, kinakasama ng biktimang si P/MSgt. Anthony Repizo Lacson, na nakatalaga sa Anonas Police Station 9, sinabi nito na noong isang taon ay nakakatanggap na ng ‘death threat’ o banta sa kanyang buhay ang biktima.

Binanggit umano sa kanya ng biktima na noong nakatalaga pa siya sa Anti-Carnapping Unit (ANCAR) ng QCPD ay dati siyang may nasagasaan na grupo na sinasabing may kinalaman sa mga iligal na aktibidad, at ang lider ng naturang grupo ay napatay umano sa isang sabungan, may 5-taon na ang nakakaraan.

Bagama’t hindi tinukoy kung anong uri ng iligal na aktibidad, nagpahayag rin ng paniniwala si Macanang na posibleng ang pagkakasangkot sa naturang grupo ang nasa likod ng pagpatay kay Lacson.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni QCPD Director P/BGen. Joselito Esquivel Jr. na masusi nang iniimbestigahan nang binuo nilang Special Investigation Task Group (SITG) Lacson ang kaso.

Matatandaang sakay si Lacson ng kanyang motorsiklo at pauwi na sana subalit pagsapit sa Anonas St., kanto ng Narang­hita St., sa Brgy. Quirino 2A, Quezon City, ay bigla na lang tinambangan at pagbabarilin ng nakaabang na ‘tandem.’ (Dolly Cabreza)