Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson pinaplantsa gawing krimen ang red-tagging

0 152

Pag-aaralan ng komite ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson kung posibleng gawing krimen ang red-tagging subalit sisiguruhin nito na walang malalabag na mga probisyon sa Saligang Batas ukol sa kalayaan ng pamamahayag at pagsasalita.

Matapos ang pagdinig sa isyu ng red-tagging, sinabi ni Lacson na pinag-aaralan ng kanyang tanggapan lahat ng argumento at position paper na isinumite ng dalawang panig sa naganap na tatlong pagdinig.

“One major issue to be addressed if we are to criminalize red-tagging or red-baiting is if it will infringe on our Constitution’s provision ensuring freedom of expression and freedom of speech,” sabi ni Lacson.

Aniya, isang batayang karapatan ito na hindi dapat labagin subalit mayroon ding magkakasalungat na pananaw na nagsasabing hindi ganap ang karapatang ito kung kaya’t may batas din kontra libel at cyberlibel.

Nagpahayag naman ng suporta si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na gawing krimen ang red-tagging partikular aniya sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na ginagamit ang pondo ng bayan para atakehin ang mga kritiko.

Partikular na pinasaringan ni Zarate National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na walang tigil sa pag-atake sa grupo nila.(Dindo Matining/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.