Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson sakalam sa VisMin

0 41

Naniniwala si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na kayang mabaligtad ang survey ng Pulse Asia na sinasabing ‘zero vote’ siya sa Visayas at Mindanao matapos makuha ang suporta ng mga botante mula sa Negros Island Region na kanyang binisita kahapon.

Sa pulong-bayan na idinaos sa Bais City, Negros Oriental, personal na tinanong ni Lacson ang mga rehistradong botante ng lungsod kung siya ba ang kanilang iboboto sa May 9, araw ng eleksyon. Positibo ang naging tugon sa kanya ng mga dumalo.

“You know, I cannot understand for the life of me, `yong huling Pulse Asia survey, ang sabi doon ‘zero’ raw si Senator Lacson sa Visayas; ‘zero’ raw si Senator Lacson sa Mindanao. Now, I’m wondering, nandito ako sa Bais City… I’m going to ask the people of Bais City. Wala po bang boboto kay Senator Lacson sa Bais City?” tanong ni Lacson.

Sapat na aniya ang naging reaksyon ng mga botante sa Negros para mapalakas pa ang loob ni Lacson na hindi siya mawawalan ng boto sa rehiyon sa darating na eleksyon.

“Maraming-maraming salamat po. Ngayon, maligaya, masaya na po ako. Hindi ako ma-ze-zero sa buong Visayas. Imagine, sa Bais pa lamang marami na akong boto,” sabi ni Lacson.

Kamakailan ay nangampanya na si Lacson sa mga rehiyon ng Western, Central at Eastern Visayas. Kabilang sa kanyang mga binisita ang lalawigan ng Aklan, Bohol, Leyte, Samar, at iba pa. Kaya naman hindi umano siya naniniwalang walang boboto sa kanya sa mga lugar na ito, salungat sa prediksyon ng Pulse Asia.

Gayunman, nilinaw ni Lacson na hindi naman niya sinisiraan ang mga survey firm, pero pinanghahawakan lang niya ang katotohanan na hindi lahat ng botanteng Pilipino ay nakapagbigay ng kanilang opinyon sa mga pre-election survey, batay na rin sa kanyang pakikipag-usap sa mga tao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.