Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson: Sayang suweldo sa ibang Duterte appointee

0 82

Nanghihinayang si Senador Panfilo `Ping’ Lacson sa suweldo at iba pang benepisyo ng ilang presidential appointee na pagsasayang lamang umano sa pera ng taumbayan.

Bukod sa suweldo, tinira pa ng senador ang ilan aniyang presidential appointee na pagsasayang din umano ng espasyo sa kanilang opisina.

“Some presidential appointees are not just a waste of our tax money to pay for their salaries and other miscellaneous expenses. They are simply a waste of space in their offices,” tweet ni Lacson nitong Linggo.

Sinabi ito ng senador ilang araw matapos italaga si dating Senior Superintendent Cezar Mancao II bilang pinuno ng cybercrime center ng Department of Information and Communication Technology (DICT).

Nauna nang sinabi ni Lacson sa isang panayam sa kanya na karapatan o “presidential prerogative” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpili kay Mancao.

Matatandaang sinangkot dati ni Mancao si Lacson, na dating hepe ng Philippine National Police (PNP), sa pagpatay kay publicist Salvador `Bubby’ Dacer at drayber nitong si Emmanuel Corbito noong 2000. Inabsuwelto ng korte si Lacson.

Isa rin si Mancao sa kinasuhan sa Dacer-Corbito double murder. Sumuko si Mancao sa Philippine National Police noong Enero 2017 matapos tumakas sa National Bureau of Investigation. (SDC)

Leave A Reply

Your email address will not be published.