Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson-Sotto binara diskarteng balasubas, padrino

0 73

Oras na maupo bilang susunod na lider bansa, misyon ng Lacson-Sotto team na walisin ang mga empleyado at opisyal ng gobyerno na hindi kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin o hindi handa sa mga hamon ng serbisyo publiko.

Ayon kay Partido Reporma presidential candidate Senador Panfilo `Ping’ Lacson, maituturing ding magnanakaw ang mga ito ng oras sa mga mamamayan at oportunidad para sa mga mas may kakayahang magtrabaho kaya naman mahigpit niyang babantayan sakaling palarin na manalo bilang susunod na pangulo ng bansa.

Sabi ni Lacson, nangyayari pa rin ang pagpili sa mga opisyal sa ahensya ng pamahalaan na base sa sistema ng palakasan at padrino. Giit ng batikang mambabatas, ito ang isa sa mga babaguhin niya kung siya ang pipiliin ng mga Pilipino.

“Minsan may balasubas pa (na) sa halip na pag-aralan `yong trabaho niya, (ang) pag-aaralan naman paano kikita,” puna ni Lacson.

Binakbakan pa ni Lacson ang ilang political appointee na kung saan-saan lamang aniya kinuha.

“Ang problema (sa ibang) mga political appointee ay kung saan-saan kinukuha. Kung sino ‘yong kakilala (o) kung sino `yong sabihin na nating, o kaya kababayan, wala nang pili-pili. Hindi na talaga nagre-rely sa expertise kapag may ina-appoint,” sabi ni Lacson.

Para kay Lacson, mahalaga na tugma sa kakayahan ng isang opisyal o empleyado ang puwesto na kanyang hahawakan upang maging swak ang plano at solusyon na ilalatag sa umiiral na problema ng pinamumunuan niyang ahensiya. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.