Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson-Sotto: Ibabalik namin kaayusan sa PH

0 77

Bagama’t nahaharap sa matinding suliranin ang Pilipinas, nanawagan si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa mamamayan na magpakatibay at huwag mawalan ng pag-asa dahil asam ng tambalan nila ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson sa 2022 elections na maibalik ang kaayusan ng bansa.

Inihayag ito ni Sotto sa pormal na pag-anunsiyo ng kanilang tambalan ni Lacson nitong Miyerkoles kung saan binanggit nila ang matinding suliranin na kasalukuyang nararanasan ng mga Pilipino.

“Bagsak na ekonomiya; Pagkalat at pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa; Laganap na korapsyon; Paghihirap ng mga Pilipino. At gaya ng dati, ang mga ordinaryong tao, ang mga salat sa karangyaan, ang mga dukha, ang mga mahihirap ang nakakaranas ng matinding pagdurusa,” sabi ni Sotto sa kanyang talumpati.

Subalit sa kabila ng mga problemang ito, binigyang diin ni Sotto na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sambayanang Pilipino.

Ayon pa kay Sotto, ito na aniya ang huling pagkakataon nila Lacson na maisalba ang henerasyon ngayon at sa mga susunod pa.

“Kami po ay naririto sa inyong harapan dahil sa pagmamahal namin sa ating lupang sinilangan. Dahil naniniwala kami sa inyo, aming mga kababayan; Dahil ninanais namin na magtanim at magbigay ng pag-asa sa puso at kaisipan ng bawa’t Pilipino,” sabi ni Sotto.(Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.