Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson-Sotto mainit na tinanggap ng mga Bulakenyo

0 117

SAN RAFAEL, Bulacan—Damang-dama ang pagkasabik ng mga Bulakenyo sa tambalan nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang “Online Kumustahan” sa Tambubong Elementary School, Sabado ng hapon.

Sa tinaguriang “Lupain ng mga Bayani” at itinuturing na “Fireworks Capital” ng bansa, personal na ibinahagi ng tambalang Lacson-Sotto kasama ang kanilang senatorial candidate na si Dr. Minguita Padilla, ang isinusulong nilang plataporma sa kalusugan at Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

Sa ilalim ng programang ito, nais ng mga batikang mambabatas na mabigyan ng boses ang mga barangay at lokal na pamahalaan para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang mga komunidad base sa kanila mismong mga suhestiyon at opinyon.

Layunin ng tambalang Lacson-Sotto na malaman mula mismo sa mga residente ng pinakamaliit na yunit ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan para mapatibay pa ang kanilang plano sa pagpapaunlad ng bansa sakaling magwagi sa Halalan 2022.

Isinagawa ang “Online Kumustahan” sa mga Bulakenyo sa Tambubong Elementary School na dinaluhan ng mga magulang, residente, at mga lokal na lider ng bayan at mga karatig-pook nito. Bukod dito, konektado ang nasabing pagtitipon sa siyam na satellite venue sa buong probinsya ng Bulacan.

Bago ang “Online Kumustahan” nagkaroon din ng panayam sa mga mamamahayag ang mga kandidato ng Partido Reporma sa 8 Waves Resort sa Brgy. Ulingao kung saan napag-usapan ang kanilang mga plano hindi lang sa mga isyu ng bansa ngunit para rin sa probinsya.

Iginiit ni Lacson na imbes na umangkat ng mga produkto sa ibang bansa, dapat gamitin ang talento ng mga Pilipino tulad ng husay ng mga taga-Bulacan sa paggawa ng mga pailaw, para mapaunlad ang ating lokal at pambansang ekonomiya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.