Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson-Sotto: Maging ehemplo `di puro satsat sa droga

0 68

Seryoso si Partido Reporma presidential bet Senador Panfilo `Ping’ Lacson at ka-tandem na si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa pangako na magiging mabuti at magandang halimbawa bilang maayos na mga opisyal ng gobyerno kung kaya’t pinangunahan ang boluntaryong pagpapa-drug test kahapon.

“Wala nang maraming salita, pumunta na lang kami rito,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag na agad nagtungo sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pagkatapos makuha ang drug test nila ni Sotto.

“At least, informed ang electorate kung sino ang iboboto nila, alam nilang talagang hindi gumamit ng droga,” ani Lacson.

Sinabi pa ni Lacson na walang special treatment sa kanila ni Sotto at sumailalim sila sa buong proseso tulad ng mga ordinaryong indibiduwal na dumaan sa standard pre-employment physical assessment.

Aniya, mahigpit pa silang binantayan ng doktor sa pagkuha ng kanilang urine sample.

“Very tedious saka metikuloso. Hanggang sa pagwiwi namin, nakabantay ‘yong doktor sa amin, ayaw ipasara ‘yong pintuan,” lahad ni Lacson.

Sina Lacson at Sotto ang unang tandem na kandidato na tumanggap ng hamon para sumailalim sila sa random drug test bilang bahagi ng kanilang aplikasyon para maging susunod na presidente at bise presidente ng bansa.

“It is very important that a leader is not an illegal drug user. Paano ka magiging matinong lider kung gumagamit ka, gumagawa ka ng iligal?” patanong na hamon ni Sotto.

Kung matatandaan, sa kanilang ‘Online Kumustahan’ event sa Mexico, Pampanga noong Oktubre 29, 2021, agad sumagot ng ‘oo’ ang dalawang batikang mambabatas nang matanong sila ng mga mamamahayag kung payag ba sumailalim sa boluntaryong drug testing.

“Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakatikim ng droga kaya call kaagad ako doon sa panawagan na magpa-drug test,” sinabi ni Lacson.

Mismong si Lacson pa ang nagsabi na gawing random ang testing para masiguro na walang manipulasyon sa resulta nito. Ito ang dahilan ng hindi planadong pagbisita nina Lacson at Sotto sa PDEA office nitong Lunes ng hapon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.