Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson-Sotto senatoriables nagpakitang-gilas sa Bulacan

0 113

SAN RAFAEL, Bulacan—Sanib-puwersa ang mga senatorial candidate ng Partido Reporma para ipresenta ang kanilang mga plataporma sa ginanap na “Online Kumustahan” sa iba’t ibang barangay sa Bulacan, Sabado ng hapon.

Kasama ni presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential candidate Vicente “Tito” Sotto III si Dr. Minguita Padilla sa main venue ng “Online Kumustahan” na ginanap sa Tambubong Elementary School sa San Rafael, habang sabay-sabay itong napanood sa siyam na barangay sa probinsya.

Ibinahagi ni Dr. Padilla ang kanyang adbokasiya na pagbibigay ng maayos na sistema sa serbisyong pangkalusugan tulad ng pagpapatupad ng libreng gamutan sa mga barangay at mahihirap na pasyente, gayundin ang abot-kayang gamutan sa mga pribadong ospital.

Iginiit ni Dr. Padilla na kailangan ng matinding suporta para sa tambalan nina Lacson at Sotto dahil aniya, “Naniniwala ako na kahit anong mga pangarap, kahit imposible man tingnan ay mangyayari kung sila ang maupo na ating pangulo at bise presidente.”

Nakasama naman sa pamamagitan ng Zoom si Monsour del Rosario na isinusulong ang kanyang mga plano para sa mga healthcare worker, sektor ng agrikultura, kabataan, at mga atleta ng bayan. Si Del Rosario ay kasalukuyang nasa Negros Occidental upang mangampanya para sa Lacson-Sotto tandem.

Si retired General Guillermo Eleazar ay dumalo rin sa parehong event mula sa Digos City, Davao del Sur at nakausap nang live ang mga Bulakenyo sa Zoom. Ipinakita ng dating hepe ng Pambansang Pulisya ang mainit na suporta ng mga taga-Digos City sa tambalang Lacson-Sotto at mga kasama niyang kandidato bilang senador.

Nagpasalamat si Lacson sa mga taga-Bulacan na nagtitiwala sa mga isinusulong na plataporma ng mga kandidato ng Partido Reporma.

Leave A Reply

Your email address will not be published.