Abante Tonite Interactive

Lacson tutol sa pagkalas sa UNHRC: ‘‘Darating ang panahon kakailanganin natin ang tulong nila”

381

Hindi pabor si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagkalas sa Uni­ted Nations Human Rights Council o anumang UN bodies dahil dara­ting aniya ang panahon na kakaila­nganin ng Pilipinas ang tulong nila.

“Kada bang may kokontra sa atin, kakalas ba tao? Time will come, may kasabihan, hindi tayo puwede mag-exist alone,” paha­yag ni Lacson sa panayam sa dzBB kahapon.

“At darating ang panahon na hihingi tayo ng tulong sa any of the UN bodies or entities,” dagdag pa nito.

Hindi aniya kaila na malaki ang naitutulong ng UN, partikular ang United Nations Development Programme (UNDP) matapos salantain ng super typhoon Yolanda ang Pilipinas na ikinasawi nang mahi­git 7,350 katao.

“Natandaan ko sa Yolanda lang ang unang-unang tumulong sa atin UNDP. ‘Yan ang nagbigay ng cash for work, sila unang nagresponde tapos nang una akong natalaga, unang ka-meeting ko UNDP,” paglalahad ni Lacson na itinalaga noong bilang presidential adviser on the rehabilitation and recovery sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.

“At sa pag-submit namin ng comprehensive report ang rehab sila pa gumastos para sa pag-imprenta ng 8,000 pages ang 8-vo­lume comprehensive rehab plan. Talagang nariyan sila para rin tumulong,” saad pa nito.
Gayunpaman, tutol pa rin siya sa gagawing pag-imbestiga ng UNHRC sa sitwasyong dulot ng war on drugs ng administrasyon. (Dindo Matining)