Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lady cop arestado sa robbery extortion

0 164

Laglag sa entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang babaeng pulis dahil sa pangongotong nito ng P10,000 sa isang ginang.

Kinilala ang suspek na si PSSgt. Clarissa Dela Cruz, nakatalaga sa National Capital Region Police Office-Regional Personnel Holding and Accounting Unit. Naaresto ito alas-tres Huwebes ng hapon sa harapan ng supermarket sa kanto ng G. Araneta Avenue at Ramon Magsaysay, Quezon City.

Nag-ugat ang kaso ng maaresto ang biktima na nakilala lamang sa pangalang ‘Mrs. Alla’ ng mga tauhan ng Police Station 4 ng Novaliches nitong Agosto 19 dahil sa kasong estafa subalit hindi itinuloy ni Dela Cruz, na siyang complainant, ang pagsasampa ng kaso laban dito at bagkus ay hiningan niya ng halagang P40,000 hanggang P50,000 ang biktima bilang danyos sa kanilang bigong transaksyon at napagkasunduang magbibigay muna ng P10,000 bilang paunang bayad.

Dinala pa ng suspek ang biktima sa kanyang bahay sa Sampaloc habang hinihintay ang pera upang mapalaya ang huli subalit lingid sa kanya ay humingi na ng tulong sa awtoridad ang ibang kasamahan ng biktima at isinagawa ang entrapment operation.

Lumalabas sa imbestigasyon na supplier ng face shield ang negosyo ni Dela Cruz at si Mrs. Alla ang isa sa kanyang online reseller na siyang tumatayong middleman sa mga buyer na tinukoy na sina Mr. Ardona, Ms. Pandapatan na hindi nakapagbayad sa biktima kaya ipinahuli ito ni Dela Cruz sa mga tauhan ng Novaliches Police Station 4 kasama si Mrs. Alla subalit hindi nga tinuluyang sampahan ng kaso ng suspek ang huli at imbes ay kinotongan ito.

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery extortion. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.