Abante Tonite Interactive

Lady doc ng Contours buking sa pending case

399

By Armida Rico

Posibleng lalo pang mabaon sa kaso ang isa sa dalawang doktora na nagsagawa ng liposuction sa negosyanteng ginang na nasawi kamakailan makaraang matuklasan ng pulisya na dati na itong may kinakaharap na reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC).

Sa panayam kahapon kay P/Maj. Gideon Ines, hepe ng Station Investigation Detective Management Unit ng Makati City Police, kamakalawa nang umaga ay nagpasya silang magtungo sa tanggapan ng PRC upang mabatid nila kung lisensiyado ang doktorang sina Claudine S. Roura at ang Anesthesiologist na si Katrina S. Bulseco, kapwa doktora sa Contours Advanced Face and Body Sculpting sa 2nd Floor, South Park Plaza, Paseo De Magallanes ng naturang lungsod na inireklamo ng pamilya ng nasawing ginang at dito nila natuklasan na may kinakaharap na ring kaso ang isa dito.

Ayon kay Ines, sa kanilang pagtatanong sa PRC, si Bulseco ay may kinakaharap na reklamo o kaso subalit aniya hindi naman dinetalye sa kanila kung ano’ng klaseng kaso ito.

“Hindi naman po sinabi sa amin kung anong kaso, pero sabi ng PRC, kapwa registered ang dalawa pero nasilip nila na si Bulseco ay may kinakaharap na kaso” pahayag pa ni Ines.