Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lady rider walang lisensiya, tinurbo ng pulis

0 103

Ipinangako kahapon ni Philippine Natio­nal Police (PNP) Chief Ge­neral Guillermo E­leazar na tututukan niya ang alegasyon laban sa isang sarhentong pulis na nanggahasa umano sa isang babaeng motorcycle rider sa Pampanga.

Base sa mga ulat na nakarating sa Office of the Chief PNP, hinarang ni Police Staff Sergeant Robin Mangaga ang motorsiklong minamaneho ng biktima sa isang checkpoint sa Mabalacat, Pampanga noong Oktubre 8.

Aminado ang biktima na nakalimutan niyang dalhin ang kanyang lisensiya subalit sa halip na parusahan sa mga batas trapiko, sinamantala ng pulis ang sitwasyon at ginahasa umano ang biktima.

Ayon sa babae, isinauli lamang ang kanyang motorsiklo matapos siyang halayin ng pulis kaya’t agad siyang nagpasaklolo sa kanyang mga katrabaho para maghain ng reklamo laban kay Mangaga.

“Nakakalungkot at nakakagalit na sa kabila ng paulit-ulit nating babala at pagpapatupad ng reporma sa aming organisasyon, meron pa ring iilan na hayagang inaabuso ang kapangyarihan na ibinigay sa kanila ng taumbayan,” saad ni Eleazar.

“But this will not discourage us in our reforms and in fact, this serves as a motivation to continue our internal cleansing,” dagdag niya.

Inatasan na rin ng hepe ang PNP-Internal Affairs Service na agad magsagawa ng imbestigasyon base sa rekla­mong inihain ng biktima.

Kasalukuyan nang nadisarmahan ang sangkot na pulis at isinailalim na rin sa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Kapag napatuna­yan na ginawa nga ni Police Staff Sgt. Robin Manganga ang kahala­yang ito, tinitiyak ko na matatanggal siya sa serbisyo bukod sa kasong kriminal na kanyang haharapin.”

Tiniyak ng hepe sa biktima na tutulungan ito ng liderato ng PNP sa paghahanap ng kataru­ngan dahil sa insidente.

Nanawagan din siya sa iba pang biktima ng pang-aabuso ng mga alagad ng batas na lumantad at magsumbong sa mga awtoridad upang mapanagot ang mga ito sa kanilang ginawa. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.