Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Laffline kinandado na: Halakhakan nauwi sa kalbaryo

0 714

Kahit ang karibal ng Zirkoh at Klownz comedy bar sa Quezon City ay nagsara na rin. Ito’y ang Laffline. Wala pa raw pormal na announcement kung kasali rin ang Punchline sa ikakandado dahil iisa ang may-ari. Maging ang pioneer na Music Box ay wala na ring plano na buksang muli.

Sina Vice Ganda,Pooh, Lassy Marquez,Eric Nicolas,Wacky Kiray, Anton Diva ,Negi , Iyah Mina, MC Calaquian , Donita Nose, Pretty Trizsa ay ilan lamang sa produkto ng Laffline at Punchline .

Ang gabi-gabi nilang pagbibigay ng saya, aliw, tawanan, kantahan ay nauwi ngayon sa kalungkutan. Apektado ang lahat ng comedy bars sa pandemya ng COVID-19. Halos apat na buwan na ring walang operasyon ang nasabing negosyo.

Maraming stand-up comedians ang mawawalan ng trabaho. Bawal pa rin ang live show na maraming crowd. Hindi rin sila makaraket sa mga network dahil sarado rin ang ABS-CBN 2. Ang GMA 7 naman ay balitang magbabalik-taping umano sa September pa.

Paano nila tinatanggap ang situwasyong ito?

Ayon kay Pooh, “So far sa ngayon Laffline pa lang ang confirm na sarado kasi ‘yun ang may u upa. ‘Yung Punchline naman hindi sila umuupa.

“Pero siyempre dahil isa na lang ang puwedeng posibleng magbukas at wala na ring Zirkoh at Klownz medyo magsisiksikan ang mga bakla . Medyo madami talaga mawawalan ng trabaho..

“Mahirap tanggapin na ‘yung mga comedy bars kung saan kasama na namin ng 2 dekada ay nababawasan at nawawala pero kasi eto ang sitwasyon ngayon at kailangan tanggapin.

“Sana madinig ng gobyerno ang mga kasamahan ko na sana man lang mabigyan kami ng pautang na puhunan na puwedeng palaguin at babayaran din naman sa tamang panahon.

“Well, balik siguro kami sa dating buhay, mago-opis, mamamasukan at kung ano pang puwedeng pagkakitaan,” lahad niya.

Sey naman ni Eric Nicolas, “Ang Laffline at Punchline ay ospital ng mga malulungkot. Unahin ko lang ang mga masugid naming manonood or regular,pamilya o mga lolo at lola na nagsi-celebrate ng birthday nila sa Punch at Laff na ngayon ay naputol na.

Related Posts

Dahil sa pagsasara, ang mga waiters , ang mga tao sa kitchen at sa parking kawawa ngayon dahil doon umaasa ng isusuporta sa kanilang pamilya at mga anak na nag-aaral. Ang mga stand-up comedian na may hinuhulugang bahay at sasakyan.mga hindi nakaipon dahil may mga sinusuportahan ding pamilya.nakakaawa.

“Sana mabigyan sila ng pansin ng gobyerno, kahit panimula nila.Malaking bagay rin kasi ang mga gabi- gabing pagpapasaya nila..Sana this time sila naman ang bigyan natin ng saya at ngiti.Tulungan sila ng gobyerno sa pinansiyal na panimula.”

Lahad ni Lassy Marquez,” Una po sa lahat. 2004 nu’ng magsimula ako sa Punchline and Laffline. Mahirap talagang tanggapin dahil isa ito sa bumuhay at nagtaguyod sa akin para mabuhay at mapunan lahat ng responsibilidad ko sa pamilya. Masakit man pero kailangan tanggapin dahil hindi lang naman ako ang apektado kundi napakaraming kagaya ko.

“At Wala kaming magagawa dahil krisis at epekto ito ng pandemya. Napakaraming tao ang naghihirap at nangangailangan ng tulong. Sa ngayon kasi ang iniisip ko na mas mahalaga ay ang kalusugan namin ng buong pamilya ko at mga mahal sa buhay. Ito ang mas importante sa panahon ngayon. Pangalawa ang kabuhayan.

Ang bumabagabag sakin ay ang tanong na ‘hanggang kailan ito? ‘ ‘Yan ang tanong na lagi kong iniisip.

“Sa dami naming mga stand-up comedian na nawalan ng work, nakakalungkot lang talaga dahil karamihan sa amin ay hindi naging handa sa buhay. Marami ang nabigla sa mga nangyari na biglang nagka- pandemic at naging sanhi ng krisis. Marami rin ang walang ipon dahil comedy bar lang po ang ikinabubuhay na no work no pay.

“Pero patuloy pa rin ako umaasa na bumalik na sa dati ang lahat at maging maaayos na. Masasabi ko lang ay nagtitiwala po ako sa gobyerno sa ginagawa nilang paraan para malutas ang problema ng bansa at ng nakararami.”

Sambit naman ni Wacky Kiray,” Noong nag-umpisa ang lockdown ‘di pa kami bothered kasi ang nasa isip namin isang buwan lang naman, makakabalik rin kami sa trabaho.

“Pero nang tumagal ang lockdown, dun na namin napapaisip kung makakabalik pa ba kami dahil ‘di allowed ang mass gathering at mukhang tatagal pa kami makakabalik sa entablado?

“Nang makausap ko ang may-ari ng Punchline at Laffline, sinabi nya na ‘di na n’ya kakayanin mag-operate ang Laffline kasi masyadong mahal ang renta sa Timog pero ang Punchline susubukan pa rin makabalik matapos lang itong pandemya. ‘Dun ako natauhan na marami sa mga waiters, kitchen staff at performers ang mawawalan ng hanapbuhay. Nakakalungkot isipin na mawawala na ang tahanan na humubog sa aming talento at naging bread and butter naming mga bakla ng ilang dekada.

“Sa mga kasamahan ko sa comedy bar circuit, magpakatatag tayo. sana makabalik pa rin ang comedy bars pag naging ok na ang lahat,” pagtatapos niya.

(May Karugtong)

Leave A Reply

Your email address will not be published.