Abante Tonite Interactive

Lagi nila akong hinahanap — June Mar

502

Sa unang tatlong laro ng PBA Commissioner’s Cup Finals, taas-baba ang laro ni five-time reigning MVP June Mar Fajardo.

May 23 points siya sa opener pero naunahan ang San Miguel Beer ng TNT KaTropa 109-96. Sa Game 2, may 12 points lang ang 6-foot-10 giant nang itabla ng SMB ang series via 127-125 double-overtime win. Talo ulit ang Beermen sa Game 3, 115-105, sa kabila ng 27 points ng The Kraken.

Sa Game 4 nitong Linggo, sa harap ng 14,000 crowd sa Smart Araneta Coliseum, pinagdiinan ni Fajardo ang 6-foot-10 frame para umiskor ng 22 mula 10 of 14 shooting, 12 dito sa third quarter nang kumalas ang Beer tungo sa 106-101 panalo para muling ibuhol ang series 2-2.

“Kailangan ko umiskor kasi hinahanap na ako, eh,” anang Cebuano giant.
Naglista si Fajardo ng 10 sunod na puntos mula third at sa unang basket ng fourth para pabukahin ang ga-buhok na one-point lead tungo sa 84-69.

“Kahit nagmimintis ako, hinahanap pa rin nila ako,” dagdag ni Fajardo.

“Binibigyan nila ako ng kumpiyansa, so kailangan kong suklian ‘yung tiwala nila.”

Sa dulo, nakipagsabwatan si Fajardo kina Chris McCullough, Alex Cabagnot at Chris Ross para pigilin ang fightback ng KaTropa mula 15-point deficit.

Dalawang charities at pares ng put-backs ang kinana ni McCullough, huli ang nagbigay sa SMB ng 98-92 spread. Sumunod ay sinubuan niya si Fajardo ng short stab tungo sa 100-96 count, 31 seconds na lang.

Nawala ang natitirang tsansa ng TNT na bumalik nang magbaon ng apat na charities si Cabagnot at dalawa si Ross sa closing seconds.

Inaasahan ang muling pagpapakita ng The Kraken sa basagang Game 5 bukas sa Big Dome rin. (Vladi Eduarte)