Abante Tonite Interactive

Laging naliligaw at walang pera sa panaginip

381

Dear Dream Catcher,

Ako po ay 70-anyos na at madalas akong managinip na nakasakay ako sa jeep o tricycle tapos pagbaba ko raw ay naliligaw daw ako. Wala rin daw akong pera. Ano ang ibig sabihin ng ganitong panaginip?
Leonora

Ang panaginip na ikaw ay nakasakay sa isang pampasaherong sasakyan ay tumutukoy sa kontrol mo sa buhay. Kung nagiging recurrent o ilang beses mo nang napapanaginipan ang ganitong senaryo, maaaring sa iyong kasalukuyang sitwasyon, nararamdaman mong wala ka nang kontrol sa sarili mong buhay.

Noong panahon ng iyong kabataan, halimbawang ikaw ay isang magulang, nasa iyo ang buong kontrol sa buhay mo at sa buhay ng iyong mga anak at pamilya. Kung ikukumpara, kadalasan kapag senior citizen na ang isang magulang ay mga anak na ang nagdedesisyon kung ano ang dapat gawin.

Madalas kahit sarili mong buhay ay sila pa rin ang nagdedesisyon.
Halimbawang may lakad, sila ang nasusunod ganundin kung dapat kang magpa-checkup at sa iba pang aspeto ng iyong buhay.

Lalo na sa mga tulad nating Pinoy, kadalasan ang mga matatanda ay hindi na nasusunod sa mga desisyon lalo na kung ang bumubuhay sa kanya ay ang kanyang mga anak.

Related Posts

Kung nasa ganito kang kalagayan, maaaring dito mo maikonek ang iyong madalas na panaginip. Sa iyong panaginip, sakay ka ng jeep o kaya naman ay tricycle at sa tuwing bumababa ka ay naliligaw ka. Kapag naliligaw ka, wala sa kontrol mo ang mga nangyayari. Naroon din ang takot na kung saan ka na mapadpad o kung makabalik ka pa sa inyo.

At dahil wala kang pera, lalong wala kang kontrol kung ano ang puwede mong gawin. Dahil kung may pera ka, puwede kang mag-taxi para magpahatid sa inyo o sa anumang lugar na pupuntahan mo. Pero sa madalas mo ngang panaginip ay wala kang pera habang naliligaw ka.

Malinaw na ang gumugulo sa isip mo ay ang kawalan ng kontrol sa iyong buhay. At kung ganito rin ang magiging sarili mong interpretasyon, alalahaning hindi na importante ang pagkakaroon ng kontrol sa halip ay magpokus ka na lamang sa pagmamahal na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya. Iwasan mo ring i-stress ang iyong sarili. Alalahaning hindi ka na bumabata at stress ang iyong magiging unang kalaban at numero unong magpapahina sa iyong katawan.

Maging positibo sa pananaw para lalo pang humaba ang iyong buhay!
Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.