Abante Tonite Interactive

Lagyan ng nutrition worker ang bawat barangay

By
99

Isa sa mga seryosong suliranin ng Pilipinas ang kakulangan ng mga batang Pinoy sa tamang nutrisyon.

Base sa opisyal na numero, tinatayang pitong milyong bata sa buong bansa ang nakararanas ng ma­tinding malnutrisyon na nakaaapekto sa kanilang kakayanan sa pag-aaral.

Bukod sa napatuna­yan ng ilang litera­turang gawa ng UNICEF ang pagkakaugnay ng malnutrisyon at edukasyon, sinasabi mismo ng mga Pinoy teacher na nahihirapang matuto sa klase ang isang bata kung gutom siya. Nabablanko siya sa re­citation at nahihirapan sa pagsagot sa exam.

May mga pagkaka­taon daw na hindi na kinakaya ng isang bata ang sitwasyon. Sa una’y nagiging pala-absent daw ito hanggang sa tuluyan nang tumigil sa pag-aaral.

Ang problema sa kagutuman, naging problema na sa edukasyon. Nag-uugat ang malnutrisyon sa kawalan ng akses ng mahihirap na pamilyang Filipino sa masusustansiyang pagkain tulad ng isda at gulay na patuloy na nagmamahal ang presyo sa palengke.

Madalas ay noodles at sardinas lang sila, lalo na ang mga mag-anak na conditional cash transfer lang ang inaasahan.

May ibang nagsasabi na ‘sala sa init, sala sa lamig’ daw ang ginagawang feeding program ng pamahalaan dahil bukod daw sa hindi ito tuloy-tuloy, maliit na bilang lang din ng mga batang malnou­rished ang naaabot ng serbisyo.

Ang kailangan talaga ay makalikha ng mga trabaho at progra­mang pangkabuhayan kasabay nang pagsasaayos ng suweldo at mga benepisyo. Kapag may pera, may pambili ng pagkain.

Pero hindi lang pang-ekonomiya ang usapin, ang kasalatan sa kaalaman ng mga komunidad pagdating sa nutrition education ay isa ring dahilan ng malnutrisyon.

Kaugnay nito, isinusulong natin sa Kamara ang isang bill na naglalayong palakasin ang Barangay Nutrition Program sa pamamagitan ng paglalagay ng isang nutrition worker sa bawat barangay na bibigyan ng monthly allowance na hindi bababa sa P5,000.

Kabilang sa mga tungkulin ng isang barangay nutrition wor­ker ang paghahatid ng iba’t ibang serbisyong pangnutrisyon tulad ng backyard food production at supplemental feeding; paglilinis ng kapaligiran; panga­ngalaga ng kalusugan ng komunidad; pagtuturo ng family planning; at iba pa.

Sa pagsugpo sa malnutrisyon, kasing importante ng mga bill ukol sa trabaho at kabuhayan ang ating panukalang ito.