Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lahat masaya ‘pag na-DQ si Marcos Jr maliban kina Leni

0 238

Napakaimportante ng desisyon ng Commission on Elections kaugnay sa mga nakabiting diskuwalipikasyon sa kandidatura ni Ferdinand Marcos, Jr., sa pagka-Pangulo sa 2022 elections.

Sa mga medyo nakakalimot, si Marcos Jr ay anak ng namatay at pinilit na ilibing sa Libingan ng mga Bayani na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na naging tanyag sa buong mundo dahil sa tala ng pagnanakaw sa kaban ng bayan sa sa ilalim ng kanyang rehimen.

Halos karamihan sa mga kampo ng mga tumatakbong Presidente, pati na rin ang iba’t-ibang partido ay disqualification ang direksiyon na tinitingnan, maliban nga lamang sa kampo ng independent candidate na si Vice President Leni Robredo.

May ilang dahilan na maaring pagbatayan kung bakit malabnaw sina Robredo sa usapin ng disqualification kay Marcos, Jr., dahil talagang isinentro na lamang ng kampo ng Bise Presidente ang kanilang atensiyon at preparasyon na dapat ay silang dalawa lamang ang maglaban.

Parang ang lumalabas na mensahe ay pagpapatuloy ito ng kanilang labanan noong 2016 kung saan ay tinalo niya si Marcos, Jr at kahit anong protesta pa at muling pagbibilang ng boto ang ginawa ay bokya pa rin.

Kahit sa labanan sa social media, hindi pansin ng mga netizen (o troll) ng hanay ni Robredo ang ibang kandidato at hindi sila naglalaan ng panahon na i-engage ang nasa ibang kampo kundi talagang ang mga pro-Marcos, Jr post lamang ang kanilang binabantayan.

SM food to go Banner Ad

Si Marcos, Jr. din kasi ang ginagawa nilang instrumento para tumaas ang engagements lalo na kung ang tinatawag na mentions ang pag-uusapan kaya maging sa news monitoring ay lumalabas na kabit sila sa lahat ng mga balitang nasa online kahit wala namang gaanong press release na inilalabas.

Ang anak ng diktador kasi ang pinakaprominente sa social media lalo sa Facebook kaya awtomatikong tataas din ang engagement ng mga sumasabay o sumasakay sa mga materyales ng kampo nito.

Kaya nga ba kung babalikan ang DQ na scenario, at nadale si Marcos Jr, siguradong hindi malalaman ng mga handler ni Leni kung ano ang kanilang gagawin para makasabay sa ibang kandidato na sa kasalukuyan ay nasa laylayan niya.

Kung papansinin, hindi maganda ang numero sa social media ng mga kandidatong hindi diretsahang bomoboldyak kay Marcos Jr at sa halip ay masipag na ipinapakilala sa tao ang kanilang plataporma.

Pero kapag nawala ang Marcos sa listahan, lumalabas na si Leni ay mapapailalim kina Ping Lacson at Manila Mayor Domagoso at marahil ay ang pangyayaring ito ang kanilang iniiwasan kung bakit hindi sila nakikipagtulungan sa DQ case ng anak ng diktador.

Kaya nga ba ito ang masasabi ko, halos lahat ay nakikitang magiging patas ang labanan kapag na-DQ si Marcos, Jr maliban lamang sa mga nasa loob ng bakuran ni Leni Robredo na malamang sa hindi ay balutin ng kalungkutan at magbutil-butil ang pawis sa mga noo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.