Abante Tonite Interactive

Lahat ng opisina ng gobyerno lagyan ng CCTV — Pia

229

“Public office is a public trust, and therefore should be transparent and accountable to the people at all times”.

Ito ang binigyang-diin kahapon ni Senadora Pia Cayetano na naghain ng panukala na naglalayong magkabit ng closed circuit television (CCTV) system sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa buong bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 503 o Surveillance Camera for Government Establishments Act, layunin nito na makuhanan ng video ang araw-araw na transaksiyon sa mga tanggapan ng official ng gobyerno lalo na iyong mga nasa ‘frontline services’.

Ayon kay Cayetano, makakatulong ang CCTV para matigil ang katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno, tulad ng pagtanggap ng mga public official ng kickback o suhol para mapabilis ang kanilang transaksiyon sa pamahalaan.

“Ridding our institutions of corruption means better quality social services, which would help the country achieve all SDGs by 2030,” ani Cayetano.

Nakasaad din sa panukala na magkabit ng surveillance camera na may audio recording technology sa loob ng mga tanggapan, lalo na sa mga immigration counter, land transportation offices, Customs, internal revenues offices at permit offices.

Dapat lagging naka-switch on ang mga surveillance camera at naka-record ito ng 24/7.

Samantala, ang mga restroom, shower room, changing room at katulad nito ay exempted naman sa paglalagay ng CCTV camera. (Dindo Matining)