Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lahat panalo sa solusyon ni Ping sa WPS

0 35

Layunin ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na lumikha ng isang mas maaliwalas na ugnayang panlabas ‘di lamang sa Tsina ngunit sa lahat ng mga bansang may taya sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).

Sa kanyang lingguhang pakikipagtalastasan sa mga mamamahayag nitong Huwebes, siniguro ni Lacson na hindi gulo o patuloy na hidwaan sa Tsina ang kanyang habol sa pagtatanggol ng soberanya at paggiit ng mga karapatan ng Pilipinas sa WPS.

Ayon sa presidential bet, ang paggamit ng diplomasya para isulong ang ‘balance of power’ sa WPS ang kailangan dahil aniya, walang mananalo sa digmaang pandaigdig o anumang uri ng giyera, at lilikha lamang ito ng mas marami pang problema kaysa solusyon.

“Ang aming ipu-pursue as a foreign policy direction ‘yung balance of power, i-maintain natin doon sa West Philippine Sea nang sa ganoon… Not to provoke war, ano, kasi nobody wins in a third world war or any world war for that matter,” pahayag ni Lacson sa isang virtual media forum.

Sinabi pa ni Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, na hindi niya binabalewala ang relasyon ng Pilipinas at China partikular sa kalakalan habang sinusulong niya ang ‘balance of power’ at ‘freedom of navigation’ sa WPS.

Iginiit ni Lacson at ng kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na diplomasya pa rin ang kanilang paiiralin at sa ilalim ng kanilang pamumuno, sakaling maupo bilang presidente at bise presidente sa susunod na eleksyon.

“Mas maganda i-maintain natin, especially ‘yung ating trade relations with China, i-maintain natin. Kaya lang i-assert natin lagi ‘yung ating sovereignty at saka sovereign rights over the exclusive economic zone at saka ‘yung iba pa na talagang sovereignty natin ‘yung nakataya,” sabi ni Lacson.

Leave A Reply

Your email address will not be published.