Abante Tonite Interactive

Lakas ng kababaihan sa Senado

365

FOR THE RECORD

Mukhang kababaihan ang mangingibabaw sa halalan ng pagka-senador­­ ngayong Mayo. Kung hindi magbabago ang standings ng mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS), ang mga kandidatong sina Senador Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, Rep. Pia Cayetano at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang posibleng manalo sa halalan sa pagka-senador.

Sa latest survey ng Pulse Asia, nasa u­nang puwesto si Poe, pangalawa si Villar, pang-apat si Cayetano, ika-anim si Binay at pang-10 si Imee. Sa SWS naman, si Villar ang nanguna, panga­lawa si Poe, tabla sa ikatlong puwesto si Cayetano, ikalimang puwesto si Binay at pang-11 si Imee. Ang pumangatlong si Senador Sonny Angara lamang ang nag-iisang lalaking nagbabanta sa number 1 at 2 ranking.

Sa limang babaeng pasok sa tinatawag na ‘Magic 12’, tatlo ang reeleksyunista, isa ang balik-Senado at isa naman ang newcomer.

Kahit na isang bagito, magiging sentro ng adbokasya ni Imee ang maging mura ang pres­yo ng mga panguna­hing bilihin lalo na ang presyo ng bigas. Ang pagbibigay suporta ng mga lokal na pamahalaan sa mga magsasaka ay dapat umanong pagtuunan ng pansin tulad ng pagmamahagi ng mga binhi at pataba na magbibigay ng masaganang ani ng kanilang mga pananim na palay.

Kung ang limang kandidatong babae sa pagkasenador ay tulu­yang mananalo sa darating na eleksyon, aabot sa pito ang kabuuang bilang ng mga lady legislator na manunungkulan sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo. Anim na babaeng senador lamang ang kasalukuyang nakapuwesto sa papatapos na 17th Congress.

Si Senador Loren Legarda, na tatakbong kinatawan ng lalawigan ng Antique, ay tuluyan nang matatapos ang termino nga­yong Hunyo 30, 2019 at sina Senador Leila De Lima at Senador Risa Hontiveros naman ay mananatili at manunungkulan hanggang sa Hunyo 30, 2022.

Bagama’t masasabing dominado pa rin ng kalalakihang mambabatas ang Senado, malakas na puwersa na ito kung tuluyang mananalo ang limang kandidatong babae sa eleksyon sa Mayo 13. Masasabing meron nang laban ang pitong kababaihang senador at tuluyang maisusulong na nila ang kanilang mga panukalang batas lalo na kapag isyu o interes ng kababaihan ang pag-uusapan.

Sabagay, marami namang mga lala­king senador na kahit hindi pakiusapan ay tunay na sumusuporta sa mga usapin ng kababaihan lalo na sa pagsasabatas ng mga panukala.