Abante Tonite Interactive

Lakwatserong Pasay PCP chief sibak kay Eleazar

By
3,581

Sinibak sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang hepe ng isang Police Community Precinct (PCP) sa Pasay City nang hindi ito madatnan sa kanyang opisina sa isinagawang surprise inspection ng official kahapon nang madaling-araw.

Bandang ala-1:30 nang madaling araw nang mag-ikot sa ilang himpilan ng pulisya sa Metro Manila si Eleazar para personal na makita ang kalagayan ng mga pulis at ng mga pasilidad nito dahil sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Pagdating ni Eleazar dakong alas-dos nang mada­ling-araw sa PCP 1 sa CCP Complex kung saan hepe si Chief Inspector Allan Estrada ay nakakandado ang opisina nito.

Ilang minutong kinatok ni Eleazar ang kuwarto ni Estrada pero walang sumasagot. Naka-double lock umano ang pinto at nang malaman na bukas ang likurang pintuan ng kuwarto ay doon na nakapasok si Eleazar.

Pero wala sa loob si Estrada. Tanging naabutan ni Eleazar ay dalawang baril na nasa lamesa habang ang mga bala at pitak ay nasa kama nito.

Sinabi naman ni SPO4 Moises Sto. Tomas, deputy ni Estrada, na hindi niya alam kung nasa loob ng kuwarto ang kanyang hepe.

Sinubukang tawagan ni Sto. Tomas si Estrada sa cellphone pero nakapatay ito.

Tinawagan ni Eleazar ang hepe ng Pasay City Police na si Senior Supt. Noel Florez upang sabihin ang nangyari. Makalipas ang ilang minuto ay dumating si Flores at sinubukan din tawagan si Estrada pero hindi pa rin ito makontak sa cellphone.

Dahil dito, inutos ni Eleazar na sibakin sa puwesto si Estrada at pinagre-report din sa kanyang opisina.

Itinalaga naman bilang officer-in-charge sa PCP 1 si Senior Inspector Oscar Santos.