Abante Tonite Interactive

Lala Aunor Vilmanian

By
0 1,267

Sobra ang pasasalamat namin sa dating teenstar noong Circa 70’s na si Maribel ‘Lala’ Aunor sa pagpapaunlak na maging guest sa aming show nina katotong Roldan Castro at Beth Gelena na “Tambayan ng Tsika.” Kumanta pa silang mag-iina at after more than 40 years ay muling napakinggan si Ms. Lala na kumanta ng dati niyang hit song na “Ah, Ewan.”

First time lang nilang mag-guest sa anumang show na magkakasama, kaya sobrang grateful kami sa kanila.

Nakilala si Ms. Lala sa TV show na “Apat na Sikat” kasama sina Winnie Santos, Dondon Nakar, at ang ka-love team na si Arnold Gamboa. Nakapaglabas din siya ng album at nakagawa ng pelikula. Ngayon, bukod sa pagiging successful businesswoman, isa siyang supportive na mommy ng mga talented na anak na sina Ashley at Marion na kapwa gumagawa na rin ng kanilang sariling tatak sa music industry.

Ano ang feeling niya kapag napapanood ang mga anak na kuma­kanta? Saad ni Ms. Lala, “Siyempre noong una, parang kinakabahan ako, pero ngayon medyo sanay na akong nakikita silang mag-perform. Si Marion kasi, medyo matagal na siya sa showbiz. Tapos si Ashley, eto naman makapal ang mukha nito e,” pabirong saad ni Ms. Lala.
Dagdag pa niya, “Si Ashley actually, may sariling mundo, may sariling production iyan e. Imagine mo, siya ‘yung nag-produce, siya ang nag-compose ng kanta niya at siya rin ang naglagay sa Spotify.”

Nauna raw magka-CD si Ashley, kaysa kay Marion, noong 6 years old pa lang ito. Pero hindi na raw natuloy ang pagiging recording artist ni Ashley dahil mahigpit sa pinapasukang international school nito.

Suportado ba niya ang career ng mga anak? “Wala akong magagawa, ‘yun ang choice nila. Kasi ito nga iniligaw ko na ‘tong si Marion, pinag-aral ko na ng management. Gusto niya before pa na kumuha ng music, sabi ko ‘wag ka na kumuha ng music, puwede ka naman makapasok ng ano… so management ang pinakuha kong course. Pero after that, gustong-gusto niya kasi before pa ang music prod o songwriting, hindi ko siya sinuport nu’ng una, pero roon pa rin siya bumagsak.”
Sa segment naman na ipinakita ang photo ni Ms. Vilma Santos at dapat siyang magbigay ng reaction, tinanong siya ni Roldan kung Vilmanian ba siya?

Tugon ni Ms. Lala, “Sa totoo lang, d’yan nagagalit sa akin si Ate Guy, kasi Vilmanian ako, eh. Hahaha! Kasi gustong-gusto ko siyang pumorma, gusto ko siya, ‘yung ano niya sa buhay ba? ‘Yung disposisyon niya sa buhay, parang doon idol ko siya, e, parang ganoon.”

Nang photo naman ni Nora Aunor ang ipinakita, “Iyan din naman… (idol ko) Hoy huwag kayong ganyan, iniintriga ninyo ako ha, patay ako kay Ate Guy,” nakatawang saad ni Ms. Lala patungkol sa pinsan niyang Superstar.

Patuloy pa niya, “Si Ate Guy, well, siyempre kumbaga legend na ‘yan e, ‘di ba? Kumbaga parang sabihin na natin na kaya naman din sumikat ang Aunor, because of Nora Aunor, ‘di ba? Kumbaga, parang madali kaming nakapasok sa showbiz because of her… parang ganyan. Although ‘yun nga, ‘yung talent ng mga Aunor ‘di ba parang naiano, na-expose? Kaya kumbaga parang madali, madaling makapasok (sa showbiz dahil sa kanya), parang ganoon… So, thank you, Ate Guy,” wika pa ni Ms. Lala na after the show ay sinabing lagi nilang biruan iyon noon ni Nora na siya ay Vilmanian.

Nora dapat maging National Artist

Ano naman ang masasabi niya na dalawang beses nang naudlot ang pagiging national artist ni Ate Guy? “Kasi naman as an artist, deserving naman siya, ‘di ba? Kumbaga, parang… marami ang nagsasabi na puwede siyang ma­ging National Artist talaga.”

Gaano siya ka-proud sa ta­lent ng mga anak niya sa music? “Ayun nga nagulat nga ako e, na talagang music pa rin, doon pa rin sila bumagsak sa music, lalo itong si Ashely. Iyon nga, biglang Music Production talaga ‘yung kinuha niya, tapos si Marion naman, natutuwa ako kasi nade-develop lalo ‘yung kanyang songwriting skills.

So, marami na siyang nabibigyan na mga artists na hindi lang talaga mga artist kundi talagang big names na rin sa industry. kaya tuwang-tuwa ako and proud ako of course sa mga girls ko.”

Marion umaapaw ang talento sa musika

Kaliwa’t kanan ang mga pinagkakaabalahan nga­yong projects ng talented na singer/songwriter na si Marion Aunor. Pero kahit marami siyang kino-compose na kanta para sa ibang artists, patuloy pa rin siya ng pagdagdag sa sariling hit songs.

Ang latest na patok na kanta ni Marion na marami ang nae-LSS (last song syndrome) ay ang kantang ­“Akala” na naging themesong sa pelikula nina Bela Padilla at JC Santos titled “The Day After Valentine’s.” Ngayon ay labas na rin ang ginawa niyang kanta kay Sharon Cuneta, ang “Lantern” at sobrang proud si Marion na kinanta ng Megastar ang isa niyang komposisyon.

Nagsimula ang kanyang career sa musika sa Himig Handog Pinoy Pop Love Song Writing Competition ng ABS-CBN, nang ang sariling komposisyon na “If You Ever Change Your Mind” ay nakakopo ng 3rd place sa naturang event. Mula roon ay sunod-sunod ang nagawa niyang kanta, hindi lang para sa kanya, kundi para sa ibang artists din.

Gumawa rin si Marion ng mga kantang ginamit sa themesong sa pelikula at TV series, kaya binabansagan din siyang Themesong Princess noon. Ginagawa na rin niya ang single ni Lovi Poe at kabilang pa sa artists na nagawan ng kanta ni Marion sina Kathryn Bernardo, Erik Santos, Jona (Jonalyn Viray), Alex Gonzaga, Xian Lim, Leila Alcasid, at iba pa.

Hindi ba siya nagtampo na noong una ay hindi agad siya sinuportahan ng mommy niya sa hilig sa musika? “Hindi naman po, na-understand ko naman po. Kasi na-realize ko lang na gusto kong i-pursue ‘yung music mga halfway through college na, so parang sayang din po kung itapon ko ‘yung mga na-study ko na for two years na rin. So ‘yung deal namin ni mom, tapusin ko muna ‘yung college, and then tsaka na ako mag-pursue ng music or kung gusto ko pang mag-aral ulit ng music and so ‘yun po ‘yung nangyari.”

Ano ba ang gusto niyang bansag sa kanya, Hugot Queen o Theme Song Queen? “Kahit ano po… both na lang, hahaha! Ang latest ko po ngayong single is ‘yung ‘Akala,’ bale nakaka-7.5 million streams na po siya sa Spotify and nag-chart din siya sa iTunes and sa Spotify nag-viral, nag-Top 50, kaya nakakatuwa naman po,” aniya pa.

Alam ba nila kung gaano kasikat ang mommy nila noon? “‘Yun po ‘yung laging sinasabi na line, ‘yung sakto na line na ‘yan.

Pero may proof naman may albums doon sa bahay, mga sepia colored pa ata or black and white ganoon,” nakatawang saad pa ni Marion.

Okay ba sa kanyang i-record niya ang dating kanta ng kanyang mommy? “Okay naman, puwede, maganda iyon.

We are very-very proud of our momma,” sambit ni Marion.