Abante Tonite Interactive

Lalaki nagpakamatay sa plaza ng Aklan

133

Agaw-atensyon sa mga tao ang isang binatang panadero na nangisay sa gitna ng plaza matapos lumaklak ng lason dahil umano sa kabiguan sa pag-ibig sa Malinao, Aklan kamakalawa ng hapon.

Tirik ang mata at bumubula ang bibig ng biktimang itinago sa pangalang Jay, 20, isang panadero sa isang bakery sa Brgy. Tigpalas, Malinao, nang isugod ito ng mga pulis at barangay sa Aklan Provincial Hospital.

Ayon kay Sr. Insp. Alfonso Manuba, hepe ng Malinao Police, bandang alas-3:30 ng hapon nang makitang nakahandusay sa semento ng plaza ang biktima habang nangingisay at bumubula ang bibig na agad naman tinulungan ng mga tao.

Bagama’t walang label ang boteng nakita sa tabi ng biktima, may teorya ang pulisya na lason ang ininom nito kaya nangisay.

Base sa kuwento ng ilang kasamahang panadero ng biktima na tumangging magpakilala, ilang araw nang tuliro ang biktima dahil umano iniiwasan na ito ng kanyang nililigawan.

Inoobserbahan pa ngayon ang kondisyon ng biktima sa pagamutan.