Abante Tonite Interactive

Lalaki naputukan ng sariling pampasabog sa Zamboanga

452

Nasa malubhang kalagayan ang isang lalaki matapos na sumambulat sa kaniyang kamay ang pampasabog na ibabato sana nito sa bahay ng kaaway na retiradong judge sa Zamboanga City.

Sugatan din ang isang pulis na si SPO1 Osbert Fernando na kapitbahay lamang ng suspek na si Antonio dela Cruz, 57, sa Brgy. Tetuan.

Nabatid na galit na galit umano ang biktima dahil sa diumano’y pakikialam ng judge sa problema nilang mag-asawa.

Nagtatrabaho bilang katulong ang asawa ni Dela Cruz sa retiradong judge at malimit nitong isumbong sa matandang amo ang madalas na pananakit ng lalaki sa kaniya.

At dahil dito ay ilang ulit na umanong pinagsasabihan at sini­gawan ng matandang huwes si Dela Cruz na ikinagalit naman ng huli.

Sa galit ni Dela Cruz ay bumalik ito sa kaniyang bahay at kumuha ng pampasabog at mabuti na lamang agad na rumesponde ang kapitbahay nitong parak at bago pa man maibato ng suspek ay sumambulat na ito sa kaniyang kamay.

Naisugod naman sa pagamutan ang dalawang sugatan habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.