Abante Tonite Interactive

Lalaking humataw ng tako ng bilyar sa dating OFW, tiklo

264

Part 3

Bagama’t nagmula sa maayos at mabuting pa­milya, hindi naiiwasan ni John Erwin na makisala­muha at magpaunlak sa pag-iinuman ng mga kaibigan sa kanilang lugar kaya’t kahit may kakulitan at palabiro kapag nalalasing, sa kabuuan ay mahusay siyang kaibigan at magaling na makisama.

Pinatunayan din ito ng mag-asawang Cynthia at Gunnar nang makapana­yam ng TUGIS sa kanilang tindahan sa Nuestra Señora Homes na lubos na nakakakilala kay John Erwin dahil magkadikit lamang ang kanilang tirahan.

Abante Hiring – IT dep

Sabi pa ni Gunnar, madalas ay hinahayaan niyang maglaro ng bilyar si John Erwin at mga kaibigan kahit abutin pa ng hatinggabi at wala ng nagbabantay dahil sila na mismo ang naglilista sa nakalagay na pisara kung ilang laro na ang kanilang nagagawa at kinabukasan na nila ito babayaran.

Noong gabi ng Hunyo 10, 2018, araw ng Linggo, nagkayayaang muli sina Jomar at mga kasamahan sa trabaho na maglaro ng bilyar sa tindahan ng mag-asawang Cynthia at Gunnar dahil wala naman silang pasok sa kanilang trabaho.

Dahil nagkakasarapan, nagpasiya ang magkakaibigan na lagyan ng P20 na pusta bilang katuwaan ang kanilang paglalaro kaya’t naging maingat ang bawa’t isa sa kanilang ginagawang pag-tumbok sa bola upang kahit papaano’y hindi na maglalabas ng pera ang sinuman sa mananalo bilang pambayad sa laro.

Habang nasa kasagsagan at kasarapan ng paglala­ro, dumating si John Erwin sa bilyaran na mistulang nakatagay na ng alak kaya’t nagbiro siya sa mga nag­lalarong kaibigan at pasimpleng ipinasok sa butas ang isang bola.

Dito na nagsalita si Jomar at pasitang tinanong si John Erwin kung bakit niya ginalaw ang bola na sinagot naman ng huli ng patanong din kung malaki ba ang pustahan sa kanilang laro.

Hindi naman nagustuhan ni Jomar ang sagot sa kanya ni John Erwin kaya’t inambaan niya ng palo ang kaibigan ng hawak na tako bagama’t hindi naman niya itinuloy lalo na’t ibinalik namang muli nito ang bola kung saan nakalagay.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Gunnar kay P/SSgt. Julius Mabasa, sa harap ni P/SMSgt. Joselito Bagting ng Malabon City Police, sinabi niya na pagdating niya sa kanilang bahay dakong alas-10:00 nang gabi ay dumiretso siya sa loob ng banyo.

Habang nasa loob ng banyo ay narinig niya na may nagtatalo sa bilyaran at paglabas niya ay nakita niyang nag-uusap si John Erwin at ang spotter nila sa bilyaran na si Bobot habang nakikinig sa kanila si Jomar at kalaro nito.

Sinabi ni Gunnar na bagama’t may bahagyang pagtatalo, mahinahon naman ang usapan nina John Erwin at Bobot kaya’t nagulat na lamang siya nang biglang lumapit si Jomar at malakas na hinataw ng hawak na tako.

Nakita aniya niya na sumubsob ang ulo ni John Erwin sa mesa ng bilyaran bago tuluyang dumausdos at bumagsak ng walang malay sa baldosa.

Bagama’t nabigla at nataranda sa pangyayari, sinabi ni Gunnar na tinangka niyang pigilan si Jomar at sinabihan na huwag umalis dahil sa ginawa niyang pamamalo kay John Erwin subalit nagpumig­las aniya ang suspek at hinagis ang hawak na tako bago nagmamadaling lumabas ng bilyaran.