Abante Tonite Interactive

Lalaking humataw ng tako ng bilyar sa dating OFW, tiklo

362

EDISON REYES

Sa pahayag pa ni Gunnar sa TUGIS, sinabi niya na parang nablangko ang kanyang utak sa mga pangyayari at nilukuban ng takot ang kanyang katauhan dahil ngayon lamang siya nakasaksi ng ganoong pangyayari at sa loob pa ng kanyang bilyaran naganap.

Bagama’t labis ang pangamba, pinagtulu­ngan nilang mai-upo sa isang monoblock chair si John Erwin at kaagad niyang inutusan ang kanyang anak na si Jelyn na tawagin ang nakatatandang kapatid ng biktima na si John Erik.

Dugtong pa ni Gunmar, inakala niya na nawalan lang ng ulirat si Joh Erwin dahil wala namang dugo na lumabas sa kanyang ulo bagama’t labis din ang kanyang pangamba lalo na’t nawalan ng malay-tao ang biktima.

Ang una aniyang pumasok sa kanyang isipan ay maisugod kaagad si John Erwin sa pagamutan kaya’t hindi na niya nagawang habulin pa si Jomar matapos lisanin ang bilyaran.

Nang katukin naman ni Jelyn ang bahay ng pamilya Rugay na katabi lamang ng kanilang tindahan, lumabas si John Erik at sa kanya na sinabi ng anak ni Gunnar na hinimatay ang kanyang kapatid sa kanilang bilyaran.

Nang makapanayam ng TUGIS si John Erik sa kanilang bahay sa Nuestra Señora Homes, sinabi niya na ang unang pumasok sa kanyang isipan nang sabihi sa kanya ni Jelyn na hinimatay ang kanyang kapatid ay baka naparami lamang ang inom nito ng alak.

Gayunman, kaagad din niyang pinuntahan ang kapatid at inabutan niyang nakaupo pa si John Erwin sa monoblock chair at inaalalayan ng mga tao roon.

Una aniya niyang inisip ay ang buhusan ng tubig upang mahimasmasan ang kapatid subalit nang makita niyang nakalaylay ang kamay ni John Erwin ay kaagad siyang umuwi upang magbihis at kuhanin ang lisensiya at susi ng tricycle para maisugod na ang kapatid sa pagamutan.

Habang isinasakay sa tricycle si John Erwin, naulinigan na ni John Erik na may pumalo sa ulo ng kanyang kapatid bagama’t hindi na muna niya ito pinansin dahil ang binigyang prayoridad niya ay maisugod sa pagamutan ang kapatid.

Sa pinakamalapit na pagamutan sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital sa O. Reyes St. Brgy. Santolan, Malabon City isinugod ni John Erik ang kanyang kapatid.

Matapos na maiparada ang tricycle, pinuntahan kaagad ni John Erik ang kapatid sa emergency room at dito niya nakita ang tulong-tulong na pagsasagawa ng paraan ng mga doktor upang ma-revive si John Erwin na labis niyang ikinabig­la dahil sa tingin niya ay malubha ang kalaga­yan ng kapatid.

Lalo pang nilukob ng pagkabigla at dalamhati si John Erik nang ideklara ng attending physician na si Dra. Josephine Colianico dakong alas-11:20 na patay na ang kanyang kapatid.

Ang nakatalagang security personnel naman ng naturang pagamutan ang tumawag sa Malabon City Police upang ipabatid na may isinugod na pasyente sa kanilang pagamutan habang nagtu­ngo naman si Gunnar sa kanilang barangay hall sa Brgy. Panghulo upang i-ulat ang pangyayari.