Abante Tonite Interactive

Lalaking humataw ng tako ng bilyar sa dating OFW, tiklo (Part 2)

477

Sa kabila ng hindi gaanong kalakihang kita sa pagmamaneho, sinikap ni Jomar na mapag-aral ang kanyang mga anak subalit nang umabot na sa lima ang bilang ng kanilang naging supling ni Yolanda, dito na nakaramdam ng paghihikahos ang pamilya.

Sa pagnanais na mapag-aral ang lahat ng kanilang mga na­ging anak, inisip ni Jomar na makipagsapalaran sa Kamaynilaan matapos himukin ng isa niyang kaibigan na subukang magtrabaho sa kalungsuran.

Sa unang bahagi ng taong 2017, lumuwas ng kalungsuran si Jomar sa udyok na rin ng isa niyang kaibigan na nangakong tutulungan siyang maka­hanap kaagad ng trabaho lalu na’t may kaalaman naman siya sa pagmamaneho.

Sa isang supplier ng gravel and sand at cons­truction materials sa Barangay Panghulo sa Malabon city napadpad ang kapalaran ni Jomar at dahil may kaalaman sa pagpapatakbo ng mga heavy equipment, natalaga siya bilang back hoe operator.

Dahil wala namang kaanak na malalapitan sa lungsod si Jomar, pinayagan siya ng may-ari ng cons­truction supply na doon na rin manirahan lalo na’t may nakalaan namang barracks ang mga kawani na puwede nilang tulugan.

Sa ma­ikling panahon ng pagtatrabaho ni Jomar sa naturang construction supply, naging kaibigan na rin niya ang mga kasamahan sa trabaho na kanya ring naging kainuman.

Nang matuklasan nina Jomar ang isang tinda­han na pag-aari ng mag-asawang Gunnar at Cynthia Lipura sa No. 5 Nuestra Señora Homes, Barangay Panghulo, dito na sila madalas na tumambay dahil mayroon ding isang mesa ng bilyar na kanilang mapaglilibangan.

Hindi rin naman kalayuan sa lugar na pinagtatrabahuhan ni Jomar ang bilyaran ni Gunnar na mayroon ding maliit na karinderia na pinangangasiwaan naman ng kanyang asawang si Cynthia kaya’t sa mga oras na walang trabaho ang magkakaibigan, dito na sila tumatambay upang maglaro ng bilyar.

Dito nakilala ni Jomar at mga kasamahan sa trabaho si John Erwin Rugay, ang 34-anyos na dating overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa bansang Singapore bilang airline ground crew at naninirahan lamang sa katabing tindahan ni Gunnar sa naturan ding lansangan.

Pala-kaibigan at mahusay makisama si John Erwin bagama’t kung minsan ay may kakulitan sa pagbibiro sa mga kaibigan lalu na kapag nakainom ng alak.

Dahil mahilig ding maglaro ng bilyar, naging kaibigan na rin ni John Erwin si Jomar at mga kasamahan sa trabaho at madalas ay inihahatid pa niya ang mga ito, sakay ng kanyang ipinapasadang tricycle lalo na kapag ginabi ng paglalaro sa bilyaran.

Hindi na kasi muling nagtrabaho sa ibang bansa si John Erwin mula nang isilang ang anak nilang babae ni Marjorie Ann na pinangalanang Marian Jerwin o MJ kaya’t bumili na lamang siya ng tricycle na kanyang ipinapasada sa kanilang lugar sa Barangay Panghulo.

Bukod dito, maganda ang trabaho ng bunsong kapatid ni John Erwin na si Mariz bilang isang flight stewardess kaya’t malaki ang naitutulong nito upang matustusan ang maayos na pagpapalaki sa anak nilang babae ni Marjorie.

Sa isang malaking kompanya naman nagtatrabaho ang kanyang nakatatandang kapatid na si John Erik bilang isang accessories specialist kaya’t kahit pa nga hindi na muling umalis patungo sa ibang bansa upang magtrabaho si John Erwin ay nabubuhay naman sila ng maayos sa mahusay ding pag-gabay ng kanilang ina.

Bagama’t nagmula sa maayos at mabuting pamilya, hindi naiiwasan ni John Erwin na makisalamuha at magpaunlak sa pag-iinuman ng mga kaibigan sa kanilang lugar kaya’t kahit may kakulitan at palabiro kapag nalalasing, sa kabuuan ay mahusay siyang kaibigan at magaling na makisama.

Pinatunayan din ito ng mag-asawang Cynthia at Gunnar nang makapanayam ng TUGIS sa kanilang tindahan sa Nuestra Señora Homes na lubos na nakakakilala kay John Erwin dahil magkadikit lamang ang kanilang tirahan.

Sabi pa ni Gunnar, madalas ay hinahayaan niyang maglaro ng bilyar si John Erwin at mga kaibigan kahit abutin pa ng hatinggabi at wala ng nagbabantay dahil sila na mismo ang naglilista sa nakalagay na pisara kung ilang laro na ang kanilang nagagawa at kinabukasan na nila ito babayaran.

Noong gabi ng Hunyo 10, 2018, araw ng Linggo, nagkayayaang muli sina Jomar at mga kasamahan sa trabaho na maglaro ng bilyar sa tindahan ng mag-asawang Cynthia at Gunnar dahil wala naman silang pasok sa kanilang trabaho.

Dahil nagkakasarapan, nagpasiya ang magkakaibigan na lagyan ng P20 na pusta bilang katuwaan ang kanilang paglalaro kaya’t naging maingat ang bawa’t isa sa kanilang ginagawang pag-tumbok sa bola upang kahit papaano’y hindi na maglalabas ng pera ang sinuman sa mananalo bilang pambayad sa laro.

Habang nasa kasagsagan at kasarapan ng paglalaro, dumating si John Erwin sa bilyaran na mistulang nakatagay na ng alak kaya’t nagbiro siya sa mga naglalarong kaibigan at pasimpleng ipinasok sa butas ang isang bola.

Dito na nagsalita si Jomar at pasitang tinanong si John Erwin kung bakit niya ginalaw ang bola na sinagot naman ng huli ng patanong din kung malaki ba ang pustahan sa kanilang laro.

Hindi naman nagustuhan ni Jomar ang sagot sa kanya ni John Erwin kaya’t inambaan niya ng palo ang kaibigan ng hawak na tako bagama’t hindi naman niya itinuloy lalu na’t ibinalik namang muli nito ang bola kung saan nakalagay.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Gunnar kay P/SSgt. Julius Mabasa, sa harap ni P/SMSgt. Joselito Bagting ng Malabon City Police, sinabi niya na pagdating niya sa kanilang bahay dakong alas-10 ng gabi ay dumiretso siya sa loob ng banyo.

Habang nasa loob ng banyo ay narinig niya na may nagtatalo sa bilyaran at paglabas niya ay nakita niyang naguusap si John Erwin at ang spotter nila sa bilyaran na si Bobot habang nakikinig sa kanila si Jomar at kalaro nito.

Sinabi ni Gunnar na bagama’t may bahagyang pagtatalo, mahinahon naman ang usapan nina John Erwin at Bobot kaya’t nagulat na lamang siya nang biglang lumapit si Jomar at malakas na hinataw ng hawak na tako.

Nakita aniya niya na sumubsob ang ulo ni John Erwin sa mesa ng bilyaran bago tuluyang dumausdos at bumagsak ng walang malay sa baldosa.

Bagama’t nabigla at nataranda sa pangyayari, sinabi ni Gunnar na tinangka niyang pigilan si Jomar at sinahihan na huwag umalis dahil sa ginawa niyang pamamalo kay John Erwin subalit nagpumiglas aniya ang suspek at hinagis ang hawak na tako bago nagmamadaling lumabas ng bilyaran.

Sa pahayag pa ni Gunnar sa TUGIS, sinabi niya na parang na-blangko ang kanyang utak sa mga pangyayari at nilukuban ng takot ang kanyang katauhan dahil ngayon lamang siya nakasaksi ng ganoong pangyayari at sa loob pa ng kanyang bilyaran naganap.

Bagama’t labis ang pangamba, pinagtulungan nilang mai-upo sa isang monoblock chair si John Erwin at kaagad niyang inutusan ang kanyang anak na si Jelyn na tawagin ang nakatatandang kapatid ng biktima na si John Erik.

Dugtong pa ni Gunmar, inakala niya na nawalan lang ng ulirat si Joh Erwin dahil wala namang dugo na lumabas sa kanyang ulo bagama’t labis din ang kanyang pangamba lalu na’t nawalan ng malay-tao ang biktima.

Ang una aniyang pumasok sa kanyang isipan ay maisugod kaagad si John Erwin sa pagamutan kaya’t hindi na niya nagawang habulin pa si Jomar matapos lisanin ang bilyaran.

Nang katukin naman ni Jelyn ang bahay ng pamilya Rugay na katabi lamang ng kanilang tinadahan, lumabas si John Erik at sa kanya na sinabi ng anak ni Gunnar na hinimatay ang kanyang kapatid sa kanilang bilyaran.

Nang makapanayam ng TUGIS si John Erik sa kanilang bahay sa Nuestra Señora Homes, sinabi niya na ang unang pumasok sa kanyang isipan nang sabihi sa kanya ni Jelyn na hinimatay ang kanyang kapatid ay baka naparami lamang ang inom nito ng alak.

Gayunman, kaagad din niyang pinuntahan ang kapatid at inabutan niyang nakaupo pa si John Erwin sa monoblock chair at inaalalayan ng mga tao roon.

Una aniya niyang inisip ay ang buhusan ng tubig upang mahimasmasan ang kapatid subalit nang makita niyang nakalaylay ang kamay ni John Erwin ay kaagad siyang umuwi upang magbihis at kuhanin ang lisensiya at susi ng tricycle para maisugod na ang kapatid sa pagamutan.

Habang isinasakay sa tricycle si John Erwin, naulinigan na ni John Erik na may pumalo sa ulo ng kanyang kapatid bagama’t hindi na muna niya ito pinansin dahil ang binigyang prayoridad niya ay maisugod sa pagamutan ang kapatid.

Sa pinakamalapit na pagamutan sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital sa O. Reyes St. Brgy. Santolan, Malabon City isinugod ni John Erik ang kanyang kapatid.

Matapos na maiparada ang tricycle, pinuntahan kaagad ni John Erik ang kapatid sa emergency room at dito niya nakita ang tulong-tulong na pagsasagawa ng paraan ng mga doktor upang ma-revive si John Erwin na labis niyang ikinabigla dahil sa tingin niya ay malubha ang kalagayan ng kapatid.

Lalu pang nilukob ng pagkabigla at dalamhati si John Erik nang ideklara ng attending physician na si Dra. Josephine Colianico dakong alas-11:20 na patay na ang kanyang kapatid.

Ang nakatalagang security personnel naman ng naturang pagamutan ang tumawag sa Malabon City Police upang ipabatid na may isinugod na pasyente sa kanilang pagamutan habang nagtungo naman si Gunnar sa kanilang barangay hall sa Barangay Panghulo upang i-ulat ang pangyayari.

Ayon kay Gunnar, inatasan siya ng barangay Executive Officer na puntahan si John Erwin sa pagamutan upang alamin ang kalagayan at nang malaman niya na patay na ang biktima, inutusan aniya siya ni John Erick na magtungo sa barangay upang puntahan ang tinutuluyang barracks ni Joemar sa construction supply sa 194 Panghulo Road, Barangay Panghulo.

Nang makarating naman sa kaalaman ng Malabon city police ang pangyayari, kaagad na inatasan ni P/Col. Jessie Tamayao sina homicide investigators P/SSgt. Julius Mabasa at P/SMSgt. Joselito Bagting upang magsagawa ng pagsisiyasat kasama ang team ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na magpo-proseso sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Dito nalaman nina Sgts Bagting at Mabasa na nakuhanan ng dalawang nakakabit na close circuit television (CCTV) camera ang kabuuan ng pangyayari kaya’t kaagad silang humingi ng ayuda sa mga kasamahan upang puntahan at arestuhin si Joemar.

Gayunman, nang dumating sa tinutuluyang barracks sa construction supply na hindi rin lang kalayuan sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang mga pulis, wala na si Joemar at maging ang may-ari ng naturang establisimiento ay hindi na rin alam kung saan siya nagpunta.

Sa pahayag naman ni John Erik, blunt traumatic injuries ang ikinamatay ng kanyang kapatid batay na rin sa nakasaad sa kanyang death certificate bagama’t hiniling pa rin ng mga imbestigador na isailalim ang bangkay ng kanyang kapatid sa autopsy examination upang magamit ang resulta nito bilang karagdagang ebidensiya sa paghahain nila ng kasong murder laban kay Joemar.

Halos pagsakluban naman ng langit at lupa ang 64-anyos na ina ni John Erwin na si Naneth Lim Rugay nang makaratin sa kaalaman ang masaklap na sinapit ng bunsong anak.

Ayon kay John Erik, dumanas ang matinding depresyon ang kanilang ina kaya’t matapos na ma-cremate ang bangkay ng kanyang kapatid, ang kanilang ina naman ang isinugod nila sa pagamutan.

Tatlong linggo aniyang naratay sa intensive care unit (ICU) ang kanilang ina sanhi ng dinaranas na matinding depresyon.

Nang makapanayam ng TUGIS si Aling Naneth, bakas pa rin sa kanyang mukha ang matinding kalungkutan at hindi rin niya mapigilang maibulalas ang sama ng loob kay Gunnar dahil hindi aniya kaagad inawat ang pagkakaroon ng pagtatalo-talo sa kanyang bilyaran.

Dugtong pa ni Aling Naneth, kung noong una pa lamang na inambaan ni Joemar ng palo ang kanyang anak ay pinayapa na kaagad ni Gunnar ang pagtatalo, hindi na sana humantong pa sa pagpatay ang pangyayari.

Sa kuwento naman sa TUGIS ni Gunnar, nalulungkot din siya sa pangyayari at batid din niya na masama ang loob sa kanya ng pamilya ni John Erik lalu na nang pagbintangan siya na pinaalis pa niya si Joemar matapos ang pamamalo.

Ayon kay Gunnar, mali ang narinig nila nang panoorin ang footage ng CCTV sa buong pangyayari dahil hindi niya sinabihan si Joemar na umalis na kundi hinawakan pa nga niya sa braso at sinabihan na huwag umalis.

Sinabi ni Gunnar na labis din niyang ikinalungkot pagkamatay ni John Erwin na bukod sa isang mabuting anak at ama ay mahusay ding makisama sa kanilang lugar.

Pumayag na rin aniya siyang isarado na ang laruan at ibenta na lamang ang mesa ng bilyar kahit pa nga malaking tulong sa kanyang pamilya ang kita nila mula rito.

Ayon kay Gunnar, mahina ang P200 isang araw na kita ng bilyaran bukod pa sa kita nila sa tindahan at karinderiya ng kanyang asawang si Cynthia dahil sa kanila rin bumibili ng soft drinks at kumakain ang mga naglalaro ng bilyar.

Gayunman, nangibabaw pa rin sa kanya ang kapasiyahang isara na ito lalu na’t nagiging daan lamang ito upang gunitain pa ang masaklap na pangyayaring ikinabuwis ng buhay ni John Erwin.

Dalawang araw matapos na ma-cremate ang bangkay ni John Erwin, isinampa nina Sgt. Bagting at Sgt. Mabasa ang kasong murder laban kay Joemar Torres noong Hunyo, 19, 2018 sa Malabon City Prosecutor’s Office.

Dahil matibay ang kasong i-prinisinta ng mga pulis, kabilang na ang CCTV footage, ang nabaling tako na ipinanghataw ni Joemar sa biktima, ang salaysay nina Gunnar at kapatid ng biktima na si John Erik, bukod pa pagtatago ng akusado, kaagad na inirekomenda ng tagausig na maisampa sa hukuman ang usapin.

Noong Nobyembre 29, 2018, naglabas ng warrant of arrest sa kasong Murder si Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Anna Michaella Atanacio-Veluz ng Branch 169 laban kay Joemar Torres at wala rin siyang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Dahil may arrest warrant na, kumilos na rin ang dalawang kapatid ni John Erwin na sina John Erik at Mariz at isinapubliko nila ang pagkakaloob ng P50,000 na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ni Joemar.

Nagpahayag din si Panghulo Barangay Chairman Ian Borja na magkakaloob din siya ng karagdagang P10,000 sa inilaang pabuya ng pamilya Rugay para sa mabilisang ikadarakip ng kriminal.

Sa pahayag ni John Erik sa TUGIS, malaking tulong din ang nagawa ng kanilang kamag-anakan, kaibigan at kasamahan sa trabaho upang lumawak ang paghahanap ng kapulisan kay Joemar sa pamamagitan ng paggamit sa social media.

Kabilang aniya rito ang mga chat group ng “Haring Pata” at “Batang Hamog”, malawakang sharing sa social media na pinangunahan nina Gilbert Sotto at Dave Bote, pati na ng kanyang mga kasamahan sa trabaho sa Mitsubishi Union Motors sa Caloocan city at Otis sa Paco Manila at maging ang grupo ng shooters club at canine breeder sa pangunguna ni Paul Santos Guevarra.

Hindi aniya tumigil ang grupo sa pagpapalaganap ng inilabas na arrest warrant ng hukuman at larawan ni Joemar Torres sa social media, pati na rin ang footage na kuha ng CCTV kung saan makikita kung paano hinataw ng salarin ng hawak ng tako si John Erwin.

Ayon pa kay John Erik, lumapit din sila upang humingi ng tulong sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) upang matutukan ang kaso ng pagpaslang sa kay John Erwin.

Nakusap aniya nila ng personal si Boy Evangelista at nangako na tutulong sa kanila upang makahingi ng ayuda sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ni Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica na kanya ring tinupad.

Hindi naman nabigo ang pamilya Rugay sa paglapit sa tanggapan ni Commissioner Belgica dahil kaagad na nakarating sa Malacanang ang kanilang liham sa pamamagitan nina Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na humihiling na matutukan ang kaso ng pagpatay

Sa pamamagitan naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea, naglabas ng direktiba ang Malacañang na ipinadala sa mga law enforcement agencies, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Malabon City Police Station na nag-aatas na hanapin at dakpin ang akusadong si Joemar Torres.

Ayon naman kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, kahit walang direktiba galing sa pamunuan ng PNP ay kumikilos na sila at nakikipagtalastasan sa mga opisyal ng kapulisan sa Iloilo, particular sa mga tauhan ng CIDG matapos silang makatanggap ng impormasyon na sa malalapit na kamag-anakan sa naturang lalawigan nagtatago si Joemar.

Nauna na kasing nag-negatibo ang pagsubaybay nila sa akusado sa kanyang sinilangang bayan sa Bacolod city kaya’t muli silang naghanap pa ng mga impormasyon sa kanilang mga police asset habang patuloy naman sa pagpapakalat ng larawan sa social media ang mga kaanak, kaibigan at kasamahan sa kanilang trabaho nina Mariz at John Erick.

Inilagay na rin ng Malabon city police sa Top 2 Most Wanted Person sa lungsod ang pangalan ni Joemar Torres kaya’t lumiit na ng tuluyan ang mundong kanyang ginagalawan.

Ayon kay Col. Tamayao, noon lamang nakaraang Marso ay nagdesisyon na rin si Joemar na lisanin ang pinagtataguan niyang lugar sa Iloilo city at ipinasiyang bumalik sa kanilang tirahan sa Purok Mabinoligon 2 sa Barangay Sumag-ag sa Bacolod City sa piling ng kanyang asawa, mga anak at magulang.

Kahit batid na ng kanyang pamilya na pinaghahanap na siya ng mga alagad ng batas dahil sa ginawang krimen, hindi rin nila matiis na isuko siya sa mga awtoridad lalu na’t matagal na rin namang nangulila ang mga bata sa kanilang ama.

Gayunman, dahil na rin sa patuloy na koordinasyon ng Malabon city police sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Iloilo, hindi nakaligtas sa kanilang kaalaman ang muling pagbabalik ni Joemar sa sinilangang bayan.

Kaagad na dinala ng mga pulis na itinalaga ni Col Tamayao sa tanggapan ng CIDG sa Iloilo ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Anna Michaella Atanacio-Veluz ng Malabon RTC Branch 169 upang isilbi ito sa akusadong si Joemar na natugaygayang bumalik sa kanyang pamilya sa Bacolod City.

Noong gabi ng Abril 16, 2019, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Iloilo, Bacolod City Police Station 9, Regional Mobile Unit at Malabon City Police ang “ Oplan Manhunt Charlie” na may kaugnayan sa gagawin nilang pagdakip kay Joemar Torres makaraang makumpirma na bumalik nga siya sa bahay ng kanyang pamilya sa Bacolod city.

Dakong alas-7 ng gabi nang lumusob ang mga awtoridad sa bahay ng pamilya ni Joemar Torres sa Purok Mabinoligon 2, bitbit ang warrant of arrest na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sa panayam ng TUGIS kay John Erick sa kanilang tirahan sa Barangay Panghulo, sinabi niya na dakong alas-2 ng madaling araw noong Abril 17, Miyerkules Santo, nakatanggap siya ng tawag sa isang nagpakilalang tauhan ng CIDG Iloilo na may pangalang “Virgilio” at ibinalita sa kanya ang pagkakadakip kay Joemar Torres.

Una’y hindi sineryoso ni John Erick ang natanggap na tawag sa pag-aakalang panibagong fake news lamang hanggang makumpirma na nila kinabukasan kay Col. Tamayao na positibong nadakip na ang pumaslang sa kanyang kapatid.

Sinabi ni Col. Tamayao na bukod sa lumobo ang katawan ni Joemar mula sa pagtatago, nagbagong anyo rin siya sa pamamagitan ng pagpapahaba ng buhok at pagpapatubo ng balbas at bigote na malayo sa kanyang larawan sa social media na ipinakalat ng magkapatid na John Erick at Mariz.

Sa panayam ng TUGIS kay Joemar sa kanyang detention cell sa Malabon city police headquarters, sinabi niya na nabigla lamang siya nang paluin ng tako si John Erwin matapos na guluhin umano ang kanilang laro sa bilyaran.

Nilukuban aniya siya ng pangamba nang malaman niyang namatay si John Erwin matapos niyang hatawin ng tako sa gawing batok.

Aniya, nang magtungo ang mga pulis sa kanyang tinutuluyang barracks, hindi umano siya nakita dahil nagtago lamang siya sa paligid at kahit ang kanyang amo ay hindi alam na naroon lamang siya sa compound ng construction supply.

Nang makaalis na ang mga naghahanap na pulis sa kanya, dito na niya ipinasiyang mag-impake at dali-daling umalis patungo sa kanilang tirahan sa Bacolod city.

Nalaman na rin aniya ng kanyang asawa at magulang ang nagawa niyang krimen dahil tumawag sa kanila ang kanyang amo upang siya’y hanapin makaraang umalis ng walang paalam.

Sa panahon aniya ng kanyang pagtatago sumagi na rin sa kanyang isipan ang sumuko na lang at harapin ang kasong isasampa laban sa kanya subalit nanaig pa rin ang takot niya sa posibleng pagkakakulong ng mahabang panahon.

Aniya, hindi na siya nagtangka pang umiwas o tumakas nang lumusob sa kanilang bahay ang mga tauhan ng CIDG at pinakiusapan na lamang niya ang mga pulis na isama ang kanyang asawang si Yolanda sa pagbalik na muli sa lungsod ng Malabon upang may susubaybay sa magiging takbo ng usapin.

Sa panig naman ng pamilya Rugay, tiniyak nila na itutuloy nila ang paghahain ng kasong murder laban kay Joemar Torres lalu na’t hanggang sa kasalukuyan ay namimighati pa rin ang kanilang damdamin sa pagpanaw ng bunso sa tatlong magkakapatid.

Nito lamang Mayo 17, 2019, binasahan na ng sakdal sa sala ni Judge Anna Michaella Atanacio-Veluz sa Malabon RTC Branch 169 si Joemar Torres, kasabay sa pagtatakda ng kaukulang paglilitis laban sa kanya.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.