Abante Tonite Interactive

Lalaking humataw ng tako ng bilyar sa dating OFW, tiklo

247

EDISON REYES

Tatlong bagay ang posibleng mga pamamaraan upang mapagdusahan o kung hindi man ay pagbayaran ng isang krimi­nal ang kanyang gina­wang krimen.

Una na rito ang pag-usig ng sariling konsensiya ng isang kriminal lalo na’t bugso lamang ng damdamin o init ng ulo ang umiral upang magawa niya ang pagpatay.

Karaniwan na kasi na sa bandang huli na lamang pinagsisisihan ng isang nakagawa ng pamamaslang ang ginawang krimen at sa panahon ng kanyang pagtatago ay unti-unti siyang inuusig ng sariling konsensiya hanggang mapilitang sumuko sa awtoridad upang pagbayaran ang naga­wang pamamaslang.

Ang pangalawa sa posibleng paraan upang pagdusahan ng isang kriminal ang nagawang kriman ay ang puspusang pag-TUGIS sa kanya ng mga awtoridad kahit saang lupalop pa siya magtago kahit pa nga gaano katagal ng nangyari ang pamamaslang.

May mga tao kasi na kayang paglabanan ang usig ng konsensiya lalu na’t nangingibabaw ang takot sa posibleng pagkakasadlak nila ng pangmatagalan sa piitan kaya’t mas ninanais pang umiwas sa pagusig ng batas.

May pangyayari pa nga na mas ninanais pa ng isang kriminal na manlaban sa mga tumu-TUGIS na pulis na nagreresulta sa kanilang pagkamatay at agarang pagkakaloob ng hustisya sa kanilang napaslang.

Ang ikatlong pamamaraan upang tuluyang mapagbayaran ng isang kriminal ang ginawang krimen ay kung mangyari rin sa kanya ang ginawa niyang pamamaslang kanyang nabiktima o kung dapuan siya ng sakit na wala ng lunas.

May tinatawag kasing bad karma at kapag ito ang dumating sa katauhan ng isang kriminal, may posibilidad na kung paano niya ginawa ang pagpatay ay ganun din ang kanyang kasasadlakan.

May ilan din naman na kahit na inuusig na ng sariling konsensiya ay nagpupumilit pa ring umiwas sa pag-TUGIS ng batas hanggang sa kalaunan ay dapuan na ng sakit dahil sa depresyon at hindi na mapagkatulog na nagiging dahilan upang igupo na ng karamdaman ang kanilang katawan.

Sa kaso ng isang back hoe operator na nakapatay sa isang lalaki na kakilala niya lamang sa pangalan, minabuti niyang takasan ang ginawang krimen sa halip na sumuko at pagdusahan ang ginawang pagpatay.

Tubong Bacolod city ang 41-anyos na si Jomar Torres na lumaki at nagbinata sa piling ng kanyang mga magulang sa kanilang lugar sa Purok Mabinoligon 2, Barangay Sum-ag sa naturang lungsod.

Hindi nakapagtapos ng kanyang pag-aaral sa mataas na paaralan si Jomar dahil na rin sa pagkahilig sa mga barkada bukod pa sa hindi gaanong maalwan ang kanilang pamumuhay sa kanilang lalawigan.

Gayunman, nang makilala at tuluyang mapangasawa ni Jomar ang kanyang may-bahay na si Yolanda, nagbago ang kanyang pananaw sa buhay at nagsumikap na mapagkalooban ng maayos na buhay ang kanyang pamilya.

Lahat ng uri ng hanapbuhay ay pinasok ni Jomar sa kanilang lalawigan hanggang sa matuto siyang magmaneho kaya’t ito ang naging pirmihan niyang trabaho.