Abante Tonite Interactive

Lalaking pagkakatiwalaan

By
21

Dear Kuya Rom,

Pagkatapos kong mag-aral, inatupag ko ang kumita ng pera para matupad ang hangad kong pag-unlad ng buhay namin. Ang naging libangan ko lang ay maglaro ng badminton at sumama medical mission ng church namin.

Masuwerte namang naabot ko ang aking pangarap. Pero nakalimutan ko ang pag-aasawa.

Ako ay 30 years old na at gusto ko nang magkaroon ng sariling pamilya.

May isang lalaking nagkagusto sa akin. Tatlong beses kaming nag-date, kumakain sa labas.

Pero may napansin akong hindi mabuti sa kanya, at hindi na ako naki­pagkita sa kanya. Isa pang lalaki ang naging malapit sa akin. Umaasa akong siya na ang magugustuhan ko. Pero nang makita ko na magulo ang kanyang buhay, natakot ako. Iniwasan ko siya.

Maganda ako. Sa loob ng dalawang taon, may dalawampung lalaki ang lumigaw sa akin. Pero pagkatapos ng tatlong date, nawawalan na ako interes. Sabi ng mga kaibigan ko, wala raw perpektong tao.

Tawagin mo na lang ako sa pangalang Menchie. Mas­yado ba akong pihikan? Masama bang piliin ko ang taong makakasama ko habang buhay? Darating pa ba panahong matagpuan ko ang lalaking mamahalin at pagkakatiwalaan ko? — Menchie

Dear Menchie,

Sa tingin ko, hindi mo talaga pinipili ang lalaking ka-date mo. Mukhang nagmamadali ka at sumasama agad sa isang date tuwing makikita mong may gusto sa iyo ang isang lalaki.

Hindi mo binibigyan ng panahon ang pakikipagkilala. Ang totoo, hindi mo makikilala ng lubusan ang isang tao pagkatapos ng tatlong date.

Ang payo ko sa iyo ay ito: Idalangin mo sa Diyos na gabayan ka Niya. Sa dalawampung lalaking ito, may ilan sa kanila ang nakitaan mo ng mga magandang katangian na malapit sa iyong puso. Kontakin mo sila isa-isa at makipagkaibigan ka.

Manatili sa pakikipagkaibigan. Isa-isang isama mo sila sa paglalaro ng badminton at sa medical mission. Kung sino sa kanila ang magsisikap na maging kaibigan ka talaga at lubusan kang makilala, siya ang bigyan mo ng espesyal na atensyon.

Kilalanin mo siya ng ganap. Pakuwentohin mo siya tungkol sa kanyang pamilya. Alamin mo ang klase ng pagsasama ng kanyang ama’t ina. Kumustahin mo ang kanyang mga kapatid at kaibigan at paano siya nakikitungo sa kanila. Higit sa lahat, tanungin mo kung nana­namplataya siya sa Diyos.

Ang lalaking nananalig, umiibig at nagpapasakop sa Diyos ay may pag-asang magiging mabuting asawa. Ang kanyang mga katangian ay ito: Marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, at magaling magturo. Hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, hindi mukhang pera at hindi mayabang.

Sa loob ng dalawang taon, kilalanin mo siya ng lubusan. Kung liligawan ka niya at magyayang pakasal kayo, ibig sabihin talagang mahal ka niya. Idalangin mo sa Diyos na siya ang lalaking mamahalin at pagkakatiwalaan mo. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom