Abante Tonite Interactive

Lalaking sinunog tinext sa pulisya

0 505

Isang hindi pa kila­lang lalaki ang sinunog sa isang bakanteng lote sa Sitio Sambagan, Brgy. Lagtang, Talisay City, Cebu, Lunes nang gabi.

Sa ulat ng Talisay City Police Station, pasado alas-10:00 nang gabi ay isang text ang kanilang natanggap mula sa hindi nagpakilalang texter hinggil sa isang lalaki na sinunog sa hukay sa bakanteng lote sa lugar.

Sinabi pa ng texter ang pangalan ng biktima at sinunog ito dalawang araw na ang nakalipas.

Pinuntahan naman ng pulisya ang lugar upang beripikahin ang text at doon ay natagpuan nila ang sunog na bangkay na nagsisimula nang maagnas sa hukay na may tatlong talampakan ang lalim.

Ayon kay Patrolman Eleazar Belcina, imbestigadodor ng Talisay City Police Station, patuloy nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasabing texter na isa ngayon sa person of interest dahil sa alam nito ang nangyari gayundin ang pangalan ng sinunog na biktima na sadyang hindi muna pinangalanan.

Posible ring hindi tagaroon ang biktima dahil hindi ito kilala ng mga residente ng lugar.

Sa ngayon ay may lead na ang pulisya sa krimen subalit hindi muna nila nilabas upang hindi masira ginagawa nilang imbestigasyon.(Edwin Balasa)