Abante Tonite Interactive

Lalong nababaon ang PCSO sa problema ng korapsyon sa STL

By
0 1,159

Habang nagpapatuloy ang joint Congressional hearing sa operasyon ng small town lottery (STL) lalong nabaon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) partikular ang mga opisyal nito sa pangunguna ng general manager nitong si retired Gen. Alexander Balutan.

Ang pinakamalaking isyung hindi masagot ng PCSO ay kung bakit umaabot sa P4 bilyon kada buwan o P48 bilyon kada taon ang nawawalang kita mula sa STL sa Luzon at ito ay dahil sa pamamayagpag ng mga gambling lords na siya ring nakakuha ng prangkisa ng STL.

Si Senador Panfilo Lacson ang nagsiwalat nito sa naunang pagdinig ng Senate committee on games and amusement sa umiiral na korapsyon sa STL. Naging joint congressional hearing ang nasabing pagdinig dahil na rin sa hiling ng mga kongresista gaya nina LRay Villafuerte ng Camarines Sur; Romeo Acop ng Antipolo at Amado Espino ng Pangasinan.

Base sa nakalap ng impormasyon ni Lacson, umaabot sa P6.05 bilyon ang monthly gross collections mula sa mga STL operation sa walong rehiyon sa Luzon na Ĺdi hamak na mas malaki kumpara sa P1.7 bilyon na monthly gross revenue ng PCSO mula sa mga authorized agent corporations o AACs na siyang may prangkisa ng STL.

Ayon pa kay Lacson, ang Metro Manila ay may daily gross collection ng P30-P34 milyon; Cordillera Administrative Region,áP8.4ámilyon; Ilocos Region, P20-P22 milyon; Cagayan Valley, P14-P15 milyon; Central Luzon, P40-P45 milyon; CALABARZON, P50 milyon; MIMAROPA, P7-P7.5 milyon; at Bicol, P19 milyon.

Isang dahilan sa maliit na koleksyon ng PCSO sa STL ay ang kawalan ng opisyal na resibo ng mga taya na nakokolekta ng AACs. Inamin ng mga opisyal ng PCSO na karamihan ng mga STL operator ay gumagamit ng papelitos na siya ring ginagamit sa iligal na sugal na jueteng.

Ibig sabihin, hindi talaga kayang ma-monitor ng PCSO ang aktuwal na daily gross revenue ng mga AACs dahil hindi accountable form ang mga papelitos atátanging mga AAC lang ang nakakaalam ng aktuwal na koleksyon sa ibaba.

Hindi rin lihim na pareho ang mekanismo ng STL at jueteng kung saan dalawang numero ang tatayaan para manalo. Ang pagkakaiba lang at 1-40 ang numero ng STL samantalang 1-37 ang jueteng.

Ang hindi masagot ng PCSO ay kung bakit hindi puwedeng gawin sa STL ang sistema sa Lotto kung saan lahat ng taya ay may kaukulang resibo at pasok agad sa computer ang mga tinatayaang numero.

Kaya marahil nagbitiw bilang chairman ng PCSO si retired police Gen. Jorge Corpuz dahil hindi niya na rin kayang depensahan ang STL at habang lumalaon ay lalong nababaon ang PCSO dahil sa korapsyon na kaakibat ng STL operation.

Hindi rin dumalo si GM Balutan sa joint congressional hearing nitong nakaraang Lunes na isang indikasyon na hindi na rin kayang sagutin ang mga tanong sa STL kung kaya hinayaan niya na lang ang kanyang mga tao na humarap sa hearing.

Mukhang may mga masisibak na naman si Pangulong Rodrigo Duterte lalo na kung magiging malinaw ang mga ebidensiya na may korapsyon sa STL operation at kabilang sa iskandalo ang mga opisyal ng PCSO sa pangunguna ni GM Balutan. Abangan