Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lame duck

0 393

Dahil sa tahasang pagtakda sa ating Saligang Batas ng 1987 na may iisang anim-na-taong termino ang Pangulo ng Republika, nakagawiang ituring ang Punong Ehekutibo, sa huling hati ng kanyang panunungkulan, laluna sa huling taon nito, bilang isang “lame duck” (“lumpong pato”), isang opisyal na may naglalahong poder sapagkat tiyak na may hahalili nang kapalit sa Malacanang.

Sa nakaraan, natalakay natin sa espasyong ito kung paanong natatangi at naiiba ang halalan para sa pagkapangulo sa 2022: sa unang pagkakataon, magtatangka ang nakaupong Presidente na ikampanya at iluklok sa poder ang kanyang anak bilang kahalili. Sa ganitong paraan, maiikutan ni Duterte ang ipinagbabawal sa Konstitusyon at mapananatili ang kapit sa poder ng kanyang pamilya sa susunod na anim na taon.

Gayunman, kahit gaano pa man kataas ang kanyang popularidad umano ayon sa mga survey, hindi kailanman naging buo, ganap, at banayad ang pagpapairal ni Duterte ng kanyang paghahari sa hanay ng mamamamayan. Nakasalalay ito sa mahigpit na kontrol sa pamamahagi ng pondong publiko, proyekto, at kontrata sa mga kaalyado, pagbuhos ng malaking rekurso sa pagkontrol at pagmanipula sa opinyong publiko, at pandarahas at pananakot sa mga kritiko, oposison, at maging ordinaryong mamamayan.

Yamang kailangang tumakbo at magwagi sa halalan ang mga Duterte upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang paghahari, at gayong hindi 100% garantisado ang kanilang tagumpay (dahil walang bagay na 100% tiyak sa pulitika), nasasaksihan na natin ang paglitaw ng mga lamat, siwang, at hidwaan sa hanay ng naghaharing pangkatin ni Duterte.

Isang malinaw na halimbawa nito ang nagpapatuloy na tunggalian sa pagitan ng Senado at Malacanang kaugnay sa budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Naglabas ang Senado ng committee report na nagmumungkahi ng pagsibak kay Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.,  ang numero unong red-tagger ng administrassyon, bilang spokesperson ng NTF. Isinantabi lamang ng Palasyo ang naturang rekomendasyon. Matapos bansagan ni Parlade na pakana ng mga “communist-terrorists” ang pagsulpot ng daan-daang community pantry sa buong kapuluan bilang tugon ng mga mamamayang may malasakit sa isa’t isa sa kapalpakan ng rehimeng magbigay ng ayuda sa panahon ng pandemya, nanawagan ang ilang mga Senador (kabilang sina Villanueva, Gatchalian, Lacson, at Drilon) ng pagrebyu kundi man pagtapyas sa badyet ng NTF-ELCAC. Bilang tugon, tinawag ni Parlade na “stupid” ang mga senador, na nagtulak sa 15 Senador na maghain ng resoluyson na nananawagan sa opisyal na pagpuna kay Parlade sa pambabastos niya sa institusyon ng Senado. Dahil ayaw pa rin ibigay ng Malacanang sa Senado ang ulo ni Parlade, nagbitiw si Sen. Lacson, na aminadong pangunahing tagapagtanggol at tagasuporta ng NTF-ELCAC at anti-terror law sa Senado, ng sumusunod: “I have been their most reliable ally in the Senate – until now. …All I can say is, they made their choice, and it will cost them.”

Hindi kataka-taka na nagaganap ang ganitong hidwaan sa hanay mismo ng mga umano’y tagasuporta ng administrasyon sa huling taon, o panahong  “lame duck” ni Pang. Duterte. Asahan ang mga katuad na pangyayari sa hinaharap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.