Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Land of COVID-19’

0 336

Isa sa mga inagaw ng pandemya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakataong magtalumpati sa publiko, sa estilo niyang binubulalas ang daloy ng kanyang pag-iisip (kaya paligoy-ligoy at batbat ng kabastusan at karahasan), tungkol sa limitadong seleksyon ng mga paborito niyang paksa na naging puhunan ng kanyang buong karera sa pulitka.

Isa rito ang pagkamuhi niya umano sa ilegal na droga. Isa pa ang galit niya umano sa mga korap. Kamakailan, dinagdag niya ang pagbatikos sa mga komunista.

Mula noong Marso, obligado siyang harapin ang publiko bawat linggo para itanghal ang eksena ng pagmando niya sa mga opisyal ng gabinete at ipakitang pinamumunuan niya ang tugon ng gubyerno laban sa pandemya. Hindi na niya malayang maibabahagi sa atin ang kanyang pananaw tungkol sa ilegal na droga bilang ugat ng lahat ng problema ng lipunan, pagkamuhi niya sa mga adik, at pagbuo niya ng mga lihim na listahan ng drug personalities.

Pana-panahon, isinisingit ni Duterte sa kanyang mga hatinggabing “Talk to the Nation” ang mga temang kinahihiyangan niya. May ilang linggo na binalik-balikan niya ang mga komunista at New People’s Army uano bilang numero unong banta sa lipunan sa panahon ng pandemya. Ngunit hindi pumatok sa publiko at naging malakas ang negatibong reaksyon dahil sintonado ang mensahe sa kalagitnaan ng rumaragasang pandemya, kabiguan ng kanyang administrasyon na mapababa ang bilang ng mga nagkakasakit, at mabigyan ng sapat na ayuda ang mga nawalan ng trabaho at kabuhayan.

Hinihingi ng panahon na talakayin niya ang coronavirus at ang mga hakbang ng kanyang administrasyon upang mapangibabawan ito.Dito nalalantad ang limitadong kakayahan ni Duterte na unawain at pamunuan ang epektibong tugon sa pandemya. Mula sa sarili niyang bibig, naririnig ng publiko ang kanyang kamangmangan (mariing pagiit na maaaring gamitin ang gasolina para linisin ang face mask); simplistikong pagsuri sa paglobo ng kaso ng COVID-19 (pasaway daw kasi tayo) at isang solusyon sa lahat ng problema (pulis at sundalo, “shoot-to-kill,” martial law); pagiging balat-sibuyas sa anumang pagpuna o paniningil (pagbanta sa mga doktor); kawalan ng ideya para maisalba ang ekonomiya (“wala na akong pera”); at higit sa lahat, ang desperadong pananampalataya na magmumula ang katubusan hindi sa pamamagitan ng matinong pamamalakad ng gubyerno kundi sa bakuna mula sa Tsina o Rusya. Magtataka pa ba tayo kung bakit Pilipinas ang may pinakamalalang pandemya sa rehiyon, na kasalukuyang may 139,538 kaso? “Land of COVID-19,” sabi nga ng isang pahayagan sa Thailand.

Sa Bayan ng COVID-19, si Duterte ang nangyayaring hari.

Leave A Reply

Your email address will not be published.