Abante Tonite Interactive

LandBank itinago ang 63M kita sa CCT

By
1,310

Nasilip ng Commission on Audit (COA) na P63.869 milyon na kita ng Land Bank of the Philippines mula sa mga service fee ng conditio­nal cash transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hindi pa naitatala sa kanilang libro.

Ayon sa COA, dahil nakakubli ang mga service fee, padded ang l­ibro ng LandBank. Hindi rin umano maayos ang pagkatala ng mga service fee ng CCT at nagmumukhang malaki ang accounts payable nito o bayarin.

Understated din umano ang nai-report ng LandBank ng kita mula sa fees and commission ng P41.49 milyon.
Sabi ng COA, noon pa nila sinabi sa LandBank na kailangan nitong itala nang maayos ang kokolektahing service fee mula sa DSWD.

Hanggang ngayon aniya’y hindi pa pinapadalhan ng LandBank ng billing statement ang DSWD para sa serbisyo nito sa CCT para sa 4th quarter ng 2017.

Dahil hindi naman malaki ang budget ng DSWD, maaaring ikalugi ng bangko ang delayed billing nito sa DSWD.

Dagdag pa ng COA, dahil hindi nakolekta ang mga service fee, nababawasan ang bangko ng perang maaari pa nitong i-invest o ipautang sa mga magsasaka.