Abante Tonite Interactive

Landers Superstore sinalakay, peligrosong produkto sinamsam ng FDA

6,110

Pinaalalahanan ng Food and Drug Autho­rity ang publiko na huwag bumili ng mga produktong hindi rehistrado sa ahensiya dahil hindi nila masisiguro kung ligtas ang mga ito.

Sabi pa ng FDA, hindi sapat na rehistrado at naaprubahan ng FDA ng Estados Unidos o iba pang bansa ang pagkain, cosmetics, o gamot dahil kailangan pa ring dumaan ito sa FDA ng Pilipinas.

Ni-raid ng FDA ang Landers Superstore sa Otis, Maynila ngayong linggo at kinumpiska ang P4 mil­yong halaga ng mga pagkain, cosmetics at iba pa.

Sabi ng FDA, kahit lumusot ang mga produktong iyon sa FDA ng Estados Unidos, kailangan pa ring i-notify ang ahensiya ayon sa batas.

Walang namang makapagsabi sa FDA kung ano ang mangyayari sa mga kinumpiskang produkto mula sa Landers.

Masigasig ang pagbabantay ng FDA ngayon sa mga produktong hindi dumaan sa ahensiya.

Simula ng nag-umpisa ang taon, nakapaglabas na ng 144 na advisories ang ahensiya na nagbababala sa pagkain o paggamit ng mga produkto.

Sa ilang pagkakataon, naisasama pa sa advisory ng FDA ang mga produktong nakarehistro na rito.

Kapag nangyayari ito, pumapalag ang mga kompanyang apektado at binabawi naman ng FDA ang pagkakasama sa advisory ng produkto nila.