Abante Tonite Interactive

Laos na male personality bitter

1,293

WALANG kaalam-alam ang isang pamosong male personality na siya ang pinagpipistahan ngayon ng kanyang mga kasamahang artista kahit saan.

Negatibo ang mga komentong maririnig, walang sumasang-ayon sa mga puntong ipinaglalaban niya, lumilitaw pa nga na suntok sa buwan na ang mga ginagawa niya ngayon dahil wala na siya sa gitna ng aksiyon.

Kuwento ng isang source, “Naku, kung maririnig n’yo lang ang sinasabi ng mga co-stars niya, nakakaloka! Personal ang upak niya sa mga kapwa niya artista, personal din ang maririnig mong salita kontra sa kanya ngayon!

“Ang sabi ng mga nagkukuwentuhan, e, ganu’n daw talaga ka-bitter ang mga taong nalilipasan na ng ningning ang bituin! Nagpapakaampalaya na, pinapansin ang mga sikat na kasamahan niya!

“Anong ayaw na raw niyang magtrabaho dahil hindi niya gusto ang working condition sa network na sinasabi niya? Naku, dahilan na lang niya ‘yun, pero ang totoo, e, walang kumukuha sa kanya!

“Tantanan na ang mga kuda, tumuon na lang kasi sa tunay na isyu, hindi ‘yung ganyan na kung sinu-sinong artista ang hinahamon niya!” naiinis na komento ng aming impormante.

Nagmamalasakit lang daw naman kasi sa maliliit na manggagawa ng istasyon ang male personality, masakit kuno sa loob niya ang inaabot ng mga ito sa mga tagapamuno ng produksiyon, katwirang hindi binibili ng mga nakakabasa sa kanyang ipinaglalaban.

“Naku, anuman ang sabihin niya ngayong katwiran, e, wala nang maniniwala sa kanya. Nasira na ang maganda niyang image nu’n na matulungin sa mga kapwa niya artista na totoo naman.

“Kasi naman, siya pa mismo ang nagsasaboy ng gas sa issue para lalong lumaki ang sunog. Instead na pababawin niya, e, pinalalala pa niya dahil lang sa pagkampi niya sa mga taong kalaban ng network niya dati!” pagtatapos ng aming impormante.

Robin inupakan si Coco

KUNG kami kay Coco Martin ay hindi na lang namin papatulan ang mga pinakawalang komento ni Robin Padilla sa social media. Huwag.

Lantaran kasing pinangalanan ni Robin si Coco, sabihan daw ang action star na huwag nangbubuhos ng tubig sa crew na pagod na pagod at antok na antok na, ‘yun ang kanyang upak sa bida ng Ang Probinsyano.

Pati ang isang babaeng tagapamuno ng produksiyon ng ABS-CBN ay pinatulan din ni Robin, meron din siyang pinaringgang location manager na diumano’y hindi nakakasundo ni Coco Martin sa set, kinakabog ngayon ni Robin ang mga manunulat sa dami ng kanyang mga rebelasyon.

Sa dami ng kanyang mga sinasabi ngayon ay maraming personalidad din ang kanyang nakakalaban, galit na galit sa kanya ang mga tagasuporta nina Angel Locsin, Dingdong Dantes at Coco Martin, negang-nega ngayon ang action star sa social media.

Sabi ng kaibigan naming propesor na nakatutok sa mga litanya ni Robin, “’Yun ang mahirap kapag hindi masyadong abala ang isang tao. Marami siyang nagagawang mga bagay-bagay na hindi nakagaganda sa image niya.

“Kung abalang artista pa rin si Robin until now, e, mawawalan siya ng panahon sa mga ganyang bagay. Pero dahil hindi na nga siya busy, wala siyang pelikula at serye, e, talagang matutulog na lang siya sa harapan ng gadget niya!

“Pati ba naman bank book ng mga artista, e, pakikialaman niya? Ano siya, auditor? Para lang idiin ang ipinaglalaban niyang punto na may mga mali ang ABS-CBN, umaabot na siya sa ganu’n?” pahayag ni prop.

Nakakaalarma ang mga ginagawa at sinasabi ngayon ni Robin Padilla laban sa kanyang mga kapwa artista. Nagpapakatotoo lang daw siya, sabi ni Binoe, pero sa pagpapakatotoo niya ay napakalayo na niya sa isyung pinaglalabanan.

Franchise renewal ang pinagtatalunan, hindi ang pambubuhos daw ni Coco Martin ng tubig sa inaantok na crew, kung A ang pinag-uusapan ay matatalo sa argumento ang lumulundag sa B.