Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lapid saludo kay FPJ

0 283

Minsan pang pinatunayan ni Senador Lito Lapid na nararapat siya sa Senado. Kahit may pagdududa ang ibang tao sa kanyang abilidad, ang hindi nila alam ay may katuturan naman ang mga inihahain nitong panukalang batas at resolusyon.

Isa na rito ang Senate Bill No. 1822 na isinampa ni Lapid noong nakaraang Lunes. Hangarin ng panukala na palitan ang Del Monte Avenue sa Quezon City bilang Fernando Poe Jr. Avenue. Katuwiran ng senador, marapat lang na ipangalan sa namayapang National Artist ang kalsada dahil dito ipinundar ang kanyang legacy.

Sa nasabing kalsada kasi matatagpuan ang FPJ Productions. Tinatayang 300 pelikula ang pinagbidahan ni Poe sa loob ng 46 taon nitong movie career, ilan dito ay siya ang nagdirek at nagsulat.

Ang ikinabibilib ni Lapid kay Poe, hindi lang sa pelikula lumalabas na tagapagtanggol ng mga naaapi ang tinaguriang “Da King” kundi sa totoong buhay dahil sa pagiging mapagkawanggawa nito.

At hindi ito drawing dahil maraming kasamahan sa industriya ang nagpapatotoo sa pagmamahal ni FPJ sa mga ordinaryong Pinoy. Isa nga sa makapagpapatunay dito ay si Lapid na nakasama ni Poe sa pelikulang “Kalibre .45” noong dekada 80. Isa yata ako sa nakipagsiksikan sa nag-iisang sinehan sa aming probinsiya noon para lamang mapanood ang pelikulang ito.

Labis tuloy ang pasasalamat ni Senador Grace Poe sa inihaing panukala ni Lapid. Take note, maraming senador ang nagsilbing co-author ng panukala. Hindi nga makapaniwala si Senador Poe dahil kahit nasa referral of bills pa lang ang panukala, marami agad ang humabol para maging co-author. Kaya ayun, muntik pang maiyak ang senadora sa sobrang pasasalamat sa mga senador sa pagpapahalaga sa pangalan ng kanyang namayapang ama.

Kabilang sa naging co-author ng panukala ay si Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Hindi ko lang matandaan kung minsan na rin silang nagkasama sa pelikula ni FPJ, pero ang sigurado ay isa ang senador sa tumulong sa kampanya ni Poe noong 2004 presidential elections.

Mula umpisa hanggang dulo, nasa likod ni Poe si Sotto. Si FPJ sana ang naging pangulo ng bansa noong 2004 kung hindi lang ito nadaya. Pero hindi naman natuldukan ang adhikain ni Da King sa mga Pinoy dahil ipinagpapatuloy naman ito ng kanyang anak na si Senador Poe.

Leave A Reply

Your email address will not be published.