Abante Tonite Interactive

Lara Croft ng US Embassy

290

Lumikha ng ingay ang ulat na si Mina Chang ng US State Department na raw ang susunod na sugo ng Amerika sa Pilipinas. Hindi ito dahil may kinasasangkutan siyang kontrobersiya kundi makalaglag brief daw kasi ang kagandahan nitong si Chang na siyang Deputy Assistant Secretary ng Bureau of Conflict and Stabilization Operations ng State Department.

May ilan pa ang nagsasabi na siya ang magiging Lara Croft ng US Embassy. Si Lara Croft, siyempre ay ‘yung bida sa ‘Tomb Raider’ na ginampanan ni Angelina Jolie at nitong huli ay ni Alicia Vikander. Marami ang naglalaway sa kaseksihan ni Chang kaya gusto ng marami na magkaroon ng katuparan ang pagtalaga nito bilang US Ambassador to the Philippines.

Aba’y kapag nakaharap ni Pangulong Duterte itong si Chang, baka magbago ang galit nito sa Amerika. Pero itinanggi ng US Embassy nitong Miyerkoles na si Chang na ang susunod na ambassador. Subalit muling nagkaroon ng tsansa ang mga barako ng ‘Pinas matapos ihayag ni President Donald Trump na ililipat na niya sa Indonesia si US Ambassador to the Philippines Sung Kim.

Tikom naman ang US Embassy kung sino ang ipapalit nila kay Kim. Kung matutuloy ang pagtalaga kay Chang, aba’y jackpot ang mga Pinoy.

***
Isang motorcycle rider ang hinuli kamakailan sa Tugue­garao City dahil sa paggamit ng kaldero bilang helmet. Katwiran ng lalaki, wala raw siyang pambili ng totoong helmet kaya kaldero na lang ang kanyang ginamit na siguradong hindi mabibiyak kapag siya’y nadisgrasya.

Hindi bumenta sa mga umarestong pulis ang palusot ni driver kaya tinuluyan siyang tikitan. Siyempre nga naman, nakabili ang lalaki ng motorsiklo na libo-libong piso ang halaga pero ‘yung helmet ay hindi niya mabadyetan.

Ang pagsusuot ng helmet sa motorsiklo ay mahigpit na isinasaad sa Republic Act 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009 ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. Bukod sa driver, obligado rin ang angkas na magsuot ng helmet bilang proteksyon sa disgrasya.