Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Laro ng Buhay

0 231

Sa usapin ng pag-ibig, patok ang katagang ‘Hahamakin ang lahat, masunod ka lamang.’ Ito rin ang pinanghawakan ng isa sa mga tanyag ngayong volleyball player ng Petro Gazz Angels – si Kathleen Faith Arado. Para maabot ang pangarap niyang maging varsity player sa Maynila, mistulang tinalikuran niya ang kanyang pamilya sa probinsiya.

Ni sa hinagap, hindi raw inakala ni Kathleen na papasukin niya ang larangan ng pampalakasan. Kuwento niya, ‘Actually noong bata ako, sabi ni Mama wala raw akong hilig sa sports kasi sakitin ako. Nasa bahay lang ako lagi.’ Bukod sa pagiging sakitin, mas hilig daw niya noong musmos pa lang ang pagsasayaw.

Pero nabago raw ang kanyang pastime noong nag-stay na sila sa Iligan City. ‘Only rose among the thorns’ ang peg noon ni Kathleen. Nag-iisa siyang babae sa labing-isang magpipinsang lalaki. Kaya kahit sa basketball ng kanyang mga pinsan, game siyang nakikipaglaro. Dito na nagsimula ang hilig niya sa sports partikular ang volleyball.

Hindi raw pabor ang kanyang nanay at lolo na lumuwas siya ng Maynila para sa inaasam-asam na pangarap – ang maging varsity player ng isang unibersidad. Nakapasa siya noon sa scholarship ng University of the East. Sa kagustuhang makatulong sa pamilya, desidido raw siyang kunin ang alok na study grant. Pero takot ang kanyang pamilya na mahiwalay siya sa kanila. Sa madaling salita, tutol daw ang nanay at lolo ni Kathleen sa pagluwas niya ng Maynila.

Pero nanaig sa batang atleta noon ang kagustuhan niyang makapag-aral nang libre at kalauna’y pasukin ang mundo ng professional volleyball. Kaya kahit masakit sa loob, tinalikuran daw niya ang kanyang pamilya sa probinsiya. Kuwento ni Kathleen, ‘Never akong sumuway sa family ko lalo na sa lolo ko pero dahil sa volleyball, ginawa ko ‘yun at tiniis ang tampo nila.’

SM food to go Banner Ad

Laking pasasalamat ni Kathleen dahil unti-unting nakilala ang galing at husay niya sa volleyball. Ginawaran siya noon ng ‘Rookie of the Year’ sa UAAP Season 77. Isa-isa nang nagdatingan ang mga oportunidad sa kanya. Bagay na nakatulong daw sa kanya at sa kanyang pamilya sa aspetong pinansiyal. Aniya, ‘Sobrang saya ng family ko lalo na ‘yung lolo ko kasi unti-unti kong naaabot ang mga pangarap ko.’

Dito niya napagtanto ang kahalagahan ng suporta ng pamilya. Ang tinalikuran niyang pamilya noon dahil sa pagnanais na maging varsity player, muli niyang binalikan. Sa pagkakataong ito, proud na proud sila sa achievements ni Kathleen. Kaya sa tuwing may laban siya ng volleyball, pamilya ang kanya raw motivation para lalo pang paghusayan.

Ang maganda kay Kathleen, hindi siya nakalimot sa kanyang pinagmulan. Abut-abot ang pasasalamat niya sa mga taong tumulong sa kanya para maabot ang pangarap na maging isang professional volleyball player. Mula sa kanyang mga elementary coach, hanggang sa mga nagsanay sa kanya noong high school, hindi magkamayaw ang kanyang pagtanaw ng utang na loob. Sabi ni Kathleen, ‘Sa mga taong nagtiwala sa akin, maraming salamat po simula noong elementary hanggang sa natupad ko ang pangarap kong makasali sa national team.’

Nakaka-proud ang gaya ni Kathleen. Sa kabila ng mga tinamong pagkilala, nananatiling nakaapak sa lupa ang kanyang mga paa. Patunay lang na naging maganda at maayos ang pagpapalaki sa kanya ng kanyang mapagkalingang pamilya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.