Abante Tonite Interactive

Lasing na nagmura sa speech ni Abby Binay kinasuhan na

By
375

Kasong ‘alarm and scandal’ ang isinampa ng Makati Police laban sa isang lasing na nanggulo at nagmumura sa kasagsagan ng diyalogo ni Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay sa isang ‘Ugnayan sa Barangay’ noong Linggo.

Kinilala ang suspek na si Julie Merck y Sasapan, 29, may-asawa, taga-ISG Central Open Court ng nasabing lungsod.

Si Merck ay inaresto ng Police Community Precinct (PCP) 10 ng Makati City Police dahil sa panggugulo.

Sa report ng mga arresting officer sa pamumuno ni PO2 Jan Naoe, ika-6:20 ng gabi nang magsisigaw at sinasabing nagmura si Merck habang nag-i-speech si Mayor Abby sa mga residente ng Southside, na naging sanhi ng maagang pagtatapos nito.

Ayon sa mga saksi, ilang beses na sinaway si Merck ngunit nagpatuloy pa rin sa pang-iinsulto at pagmumura sa ibang mga residenteng naroroon pati na sa mayora dahilan upang dakpin ito ni Naoe at mga kasamang sina PO1 Nathaniel Pacalioga at PO1 Christian Gutierrez kung saan dinala rin ito sa Ospital ng Makati para sa medical inquest.

Sa kasalukuyan ay naka-detain pa si Merck sa Makati Central Police Station MCPS.

Sa dokumentasyon ng dayalogo, nanghingi ng tulong ang grupo ni Merck kay Mayor Binay para sa pagsasaayos ng basketball court.

Ilan naman sa mga residente ay nagrekla­mong sinosolo umano ng grupo ni Merck ang paggamit ng nasabing pasilidad kaya panay ang sabat ng suspek sa aktibidad.