Abante Tonite Interactive

Laspag sa trabaho! Duterte pinagbabakasyon

226

Wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa plano nito na magbakasyon ng isang linggo para magpahinga.

Kasunod na rin ito ng pagiging overworked umano nito dahil sa dami ng trabaho bukod pa sa mga biyahe sa loob at labas ng bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung siya ang tatanungin ay kaila­ngan talagang magpahinga ang presidente dahil sa dami ng trabahong ginagawa nito, kabilang na ang pagbabasa ng araw-araw na brie­fer at pagpirma ng mga dokumento.

Pero sa palagay ng kalihim ay magbabawas lang ng trabaho si Pangulong Duterte para hindi ito masyadong ma-pressure sa kanyang trabaho.

Maging ang mga state leader aniya na dumalo sa katatapos na ASEAN Summit sa Thailand ay napansin ang tila pagkapagod ng presidente at sinabi sa mga Philippine official na kasama nito na huwag masyadong pagtrabahuhin si Pangulong Duterte.

“May mga comment dun sa leaders eh ‘your president looks overworked, don’t let him work too much’. ‘Yun lahat ang mga comment nu’ng mga nandoon. Sabi lang naman namin actually yea, he is working very hard and at the same time he had an accident so that contributed to what you are seeing now,” dagdag pa ni Panelo.

Noong Oktubre, sinabi ni dating special assistant to the president at Senador Bong Go na isang linggong bakasyon ang gagawin ni Pangulong Duterte pagkatapos ng pagdalo nito sa ASEAN Summit sa Thailand. (Aileen Taliping/Prince Golez)