Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lassiter, San Miguel sinapawan Ginebra

0 52

Mga laro ngayon (DHVSU, Bacolor)

2 pm – Terrafirma vs. NorthPort

4:30 pm – Blackwater vs. Phoenix

Natapyas sa dalawa ang 19-point lead na naipundar ng San Miguel Beer pero nagawan ng paraan sa dulo para ipagpag ang makulit na Ginebra 111-102 sa tampok na laro ng triple-header sa Don Honorio Ventura State U sa Bacolor kagabi.

Tumagay ng 29 points si Terrence Romeo kabilang ang 4-point play sa final 2 minutes para kubrahin ang 500th 3-pointer ng career at maging 44th player (13th sa active) na nakaipon ng ganu’n karami.

SM food to go Banner Ad

Naka-double figures ang lahat ng starters ni coach Leo Austria kasama ang 19 ni Marcio Lassiter mula 5 for 8 shooting sa 3s, may 15 si Arwind Santos at 10 points, 10 rebounds ni June Mar Fajardo tungo sa 5-2 card ng Beer sa PBA Philippine Cup elims.

Dumausdos sa 8th place ang defending champion Gin Kings (3-4) na pinamunuan ng 19 points ni LA Tenorio at 18 points ni Christian Standhardinger.

Naiwan hanggang 44-25 ang Gins, gumapang at huling nanindak sa 100-97 sa free throws ni Stanley Pringle sa 2:52 mark, pero sinagot ng 6 straight points ni Romeo.

Sa talo ng Ginebra, naitulak sa quarters ang TNT (7-1) na 100-85 winner sa NLEX (4-4) sa second game. Pasabog ng career-high 36 points si rookie Mikey Williams, hindi na ininda ng Tropang Giga ang malamyang produksiyon ni Jayson Castro na sa unang laro sa career ay hindi pumuntos.

Sa first game, tinakasan ng Rain or Shine (5-4) ang Magnolia (6-3) 75-72. (Vladi Eduarte)

Leave A Reply

Your email address will not be published.