Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Last quarter ng laban sa COVID-19

0 123

Sa basketball mga tropapips, ang “last quarter” ang laging inaabangan dahil dito talaga magkakaalaman kung sino ang mananalo. Ang tanong, sa laban natin kontra COVID-19, sino ang lamang, sino ang dehabo, o tabla lang ba ang laban?

Pero bago ‘yan, panay ang himutok ng kurimaw nating bumibiyahe sa EDSA para pumasok sa trabaho nang masorpresa siya na kailangan na pala ang beep card kapag sumakay ng bus.

Kung tutuusin, pabor naman ang kurimaw natin sa beep card dahil iwas-pasahan nga naman daw ng virus na posibleng kumapit sa pera kapag nagbabayad pa ng pamasahe. Kaya lang, hindi raw ba kaya ng pamahalaan o ng LGU na magpapogi na sagutin na lang ang presyo ng card?

Sa nakaraang ulat, lumilitaw na P80 ang presyo ng beepcard at kailangang pondohan mo rin agad ang card ng P100. Ibig sabihin, P180 kaagad ang malalagas sa bulsa ng sasakay sa bus. Kaya ang mga karaniwang manggagawa na sakto lang sa P100 ang laging badget sa pamasahe, nganga nang unang ipatupad ang patakarang “No Beep Card, No Ride.”

Kung tutuusin, may katwiran nga naman ang kurimaw natin sa kaniyang hiling na sagutin na lang sana ng gobyerno o ng LGUs ang beep card. Aba’y gusto pa ng mga alkalde, makipag-usap sila sa gumagawa ng beep card na ipaskil ang mukha nila sa card para malaman kung taga-saan ang gagamit.

Napakamura ng beep card kumpara sa mga tablet at laptop na inoorder ng mga alkalde na para sa mga estudyante at mga guro. Aba’y bakit nga ba parang “bargain” ang mga tablet at laptop? Iisa lang kaya ang supplier ng LGUs?

Kaya kung kaya ng LGUs na gumastos sa tablet, laptop at may pa-data pa, aba’y peanut malaman ang beep card. Dagdagan na rin ng mga alkalde ang malasakit nila at samahan na rin nila ng helmet sa mga biker dahil hinihigpitan na rin nila ang pagbibisikleta.

Tandaan na marami sa mga nagbibisikleta eh simpleng manggagawa rin na nagtitipid sa pamasahe kaya mabigat din sa bulsa nila ang gumastos para sa helmet na may kamahalan din ang presyo.

Samantala mga tropapips, Oktubre na ngayon at tatlong buwan na lang ang natitira sa 2020 kaya itinuturing last quarter ng taon. At kumbaga nga sa basketball, ito ang kritikal na quarter dahil kapag hindi ka naka-iskor eh wala nang susunod na quarter.

Sa nakalipas na mga buwan mula nang madale tayo ng made in China na COVID-19, hindi pa rin direktang masabi ng mga kinauukulan, lalo na ng Department of Health kung nananalo na ba tayo sa laban sa virus.

Sinasabing pababa na raw ang trend pero nakikita pa rin naman natin na umaabot pa rin sa mahigit dalawa o tatlong libo ang mga bagong kaso. Sa Metro Manila pa rin ang pinakamaraming nadadagdag sa bawat araw araw na nasa 1,000.

Ang malungkot nito, batay sa datos ng Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center, pang-20 raw ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming kaso ng COVID na mahigit 300,000 na. At marami pa ring ospital ang puno ng mga pasyente.

Pero siyempre, hindi ito madaling matatanggap ng Department of Health na laging sinasabing ginagawa nila ang lahat para mapigilan ang pagkalat ng virus. Ngunit sa mga sawa na sa paliwanag ng DOH, tiyak na sisisihin nila si Sec. Francisco Duque III, dahil hindi naging maagap sa pagkilos sa contact tracing at pagpigil sa pagpasok ng mga dayuhan nang kumakalat na ang virus sa China, at nakarating na sa Japan at Korea.

Ngayon ang malaking tanong tiyak ng marami, handa na kaya ang mga tao sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine na gusto ng mga nagnenegosyo dahil sa ekonomiya? Ibig sabihin ng MGCQ, mas maraming negosyo at pasyalan na ang bubuksan, at mas maraming manggagawa na ang bibiyahe.

Kung totoo man na nanalo tayo ngayon sa laban sa COVID-19, tingnan natin ang kalababasan ng MGCQ na posibleng gawin sa Nobyerno na puwedeng maging “last two minutes” ng bakbakan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.