Abante Tonite Interactive

Lay minister inambus sa Osmeña Highway

247

By Vick Aquino

Dead on-the-spot ang isang 64-anyos na retiradong empleyado umano ng isang taxi company matapos tambangan ng isang lala­king naka-motorsiklo ang minamanehong sport utility vehicle ng biktima sa Osmeña Highway, Makati City Linggo nang umaga.

Nakilala ang biktima na si Jesus De Guzman Dimayuga na residente ng Brgy. Bangkal, Makati City at batay sa asawa nito ay isang lay minister.

Ayon kay P/Maj. Gideon Ines, hepe ng Investigation Detective and Management Branch ng Makati City Police, nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Osmeña Highway malapit sa Cailles Street sa nasabing barangay bandang alas-8:25 nang umaga.

Galing umanong magsimba ang biktima at misis nito at habang binabaybay ng kanilang Honda CRV ang Osmeña Highway paliko sa Cailles Street ay biglang sumulpot ang naka-motorsiklong suspek.

Dinikitan ng motorsiklo ng suspek ang sasakyan ng biktima at pinagbabaril ito saka mabilis na umeskapo.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo ng pamamaslang sa biktima.

Inihayag naman umano sa mga awtoridad ng asawa ng biktima na wala siyang alam na kaaway ng kanyang mister na mabait umano at isa itong lay minister sa simbahan.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang Makati City Police sa naganap na pananambang.