Abante Tonite Interactive

LBC kinuyog sa binuriking balikbayan box

By
5,954

Bugbog-sarado ngayon sa social media ang kompanyang LBC matapos i-post ng isang netizen ang bagaheng tila binuriki upang makuha ang mahahalagang gamit sa kahon.

Sa post ni Jhomer Abrina sa Facebook noong Enero 11, kinastigo nito ang kompanya dahil butas na ang dalawang balikbayan box nang makarating sa Palawan mula sa Malaysia.

“Sorry po sa inyong lahat mga taga LBC…Ngayon ko Lang gagawin tu…Tingnan niyo naman mukha ng mga boxes ko nong kinukuha pa Lang nila…ngayon mukhang basurang nakatambay sa palengke na ng dumating…dahil sa mga ginawa niyong pagnanakaw at pagkuha sa mga gamit na hindi naman dapat para sa inyo last na po tu. Hin­ding hindi na po kami magtitiwalang muli…lamunin niyo ng buong buo yung mga gamit kong nawala! madali Lang hanapin ung mga yan…pero yung tiwala na­ming mga O.F.W di­ na maiba­balik,” ayon sa post ni Abrina na umani ng higit limang libong likes at shares na 16,000 nitong Sabado.

Kalakip ng post ang limang litrato, isa dito ay noong buong-buo pa ang kahon nang ipadala ito sa LBC at ang apat ay noong butas-butas na ang dalawang kahon.

Makikita sa litrato ang pangalan ng sender na si Helen Marahum mula sa Kuala Lumpur, Malaysia at ang tatanggap na si Lolita B. Abrina ng Brgy. Tumarbong Ro­xas, Puerto Princesa, Palawan.

Galit na galit naman ang maraming netizen na nagkomento sa ipinost ni Abrina.

“LBC mahiya kayo sa ginagawa nyo,” komento ng isang ­netizen.

“Ganyan talaga ang LBC YARI ANG ­PADALA,” sundot ng isang Joseph Hernandez.

Nagbigay naman ng payo ang isang netizen na humingi ng danyos tulad ng ginawa ng isang Filipino na nagreklamo matapos makitang bukas at marami ang nawawala sa kanyang bagahe sa Clark International Airport.

Isang nagpakila­lang kinatawan ng LBC ang nag-post naman ng komento sa FB account ni Jhomer.

“Hi Jhomer Abrina. sinusubukan po namin kayong tawagan para maresolve ang inyong concern. Nais po namin tumulong at ayusin ito. Maaari po ba kayong magsend sa amin ng private message kung anong oras namin kayo puwedeng tawagan o makausap? Salamat po,” ayon sa isang Alex na LBC Customer Care Associate na ginamit ang FB account ng isang Anna Mae Caloy.