Abante Tonite Interactive

LBC, Mang Inasal ninakawan ng naka-Montero

544

Ni GENE ADSUARA

Pinaghahanap nga­yon ng Cavite Police ang isang itim na Mitsubishi Montero na pinaniniwalaang ginamit ng mga magnanakaw at tuma­ngay ng P185,000 cash mula sa vault ng isang sangay ng LBC at Mang Inasal sa magkahiwalay na lugar sa Cavite.

Sa ulat ni PMSg. Rolando Figueroa ng Dasmariñas City Police Station, alas-9:15 Miyerkoles ng umaga nang natuklasan ang pagkawala ng vault na naglalaman ng P40,000 sa loob ng tanggapan ng LBC Dasma Stall 1, JEC Building, Brgy. Zone 4, Dasmariñas City Cavite.

Sa salaysay ni Eric James Joriza, duma­ting siya sa kanilang opisina nang napansin nitong sira na ang lock ng pintuang roll up at nawawala ang vault na naglalaman ng P40,000.

Nang rebyuhin ang CCTV ng kompanya, nakita na isang kulay itim na Mitsubishi Montero Sport na may plakang ABP 3382 ang pumarada sa harapan.

Tatlong kalalakihan ang lumabas mula sa sasakyan at pinuntiryang sirain ang lock ng roll up saka pumasok.

Ganito rin ang natuklasan ng empleyado ng Mang Inasal Restaurant sa Crossing Silang Junction sa Brgy. San Jose, Tagaytay City.

Sa salaysay ni Ferdinand Sampayan, crew ng restaurant kay PSMS. Norberto Itchon, ng Tagaytay City Police Station, dumating ito dakong alas-6:45 Miyerkoles ng umaga nang mapansin na bukas ang pintuan at nawawala ang chain lock nito.

Pagpasok sa loob ay napansin na nawawala ang vault na nagla­laman ng tinatayang P145,000 na kita ng restaurant.

Nang rebyuhin ang mga CCTV footage, isang kulay itim na SUV na may plakang ABP 3382 ang pumarada din sa harap ng restaurant, bumaba ang 5 katao, pinutol ang kadenang bakal, pumasok at tinangay ang vault.