Abante Tonite Interactive

LeBron balak ding pagpalit

700

Alec Paolo Ventocilla

Nasa magulong sitwasyon ngayon ang Los Angeles, at sa gulong ito, damay si Lakers superstar LeBron James.

Ayon kay Stephen Smith, commentator ng ESPN at kilalang sports TV personality, ilang personalidad sa Hollywood ang sumusulsol kay Lakers­ owner Jeanie Buss na i-trade si LeBron na pumirma ng four-year deal sa nakaraang taon.

Umingay ang balita nang tanggihan ni ex-Cleveland Cavaliers coach Tyronn Lue ang alok sa kanya ng Lakers na 3-year $18 million para maging coach ng koponan.

Pakli pa ni Smith, maayos ang samahan nina Lue at LeBron kaya gusto niya ito bilang coach ulit ngunit sa pagtanggi nito, maaaring hindi maging maganda ang kahantungan ng Lakers. Anong uniporme kaya ang susuotin ni LeBron sa susunod na season?

***
Natanggal man sa playoffs, hindi pa rin nawawala sa mga balita ang Los Angeles Clippers. Sangkot nga sa ingay ng Clippers ang kanilang nakaharap sa 1st round ng playoffs, ang Golden State Warriors partikular si shooting guard Klay Thompson.

Gusto man ng kanyang amang si Mychal Thompson na mapunta ang anak sa Lakers, mukhang mas pipiliin nito ang Clippers na ayon pa kay ESPN’s Adrian Wojnarowski, kung hindi bibigyan ng GSW ng max contract sa July 1, 2019 si Thompson, siguradong sisibat ito.

Pero si Thompson nga ba ay isang max player? Isa siya sa pinaka-shooter sa buong liga at kilalang two-way player. Maaasahan ba ito bilang ‘main guy’ ng team?

Sinasabing ang humubog lamang sa kanya ay ang sistema ng Warriors kaya ‘pag ito’y napunta sa ibang team ay mag-iiba ang laro nito at hindi pa kayang bumalikat ng koponan papasok ng playoffs.

Kung siya ay mapapabilang sa lineup ng Clippers, magiging championship contender na ba ang team? Sa aking palagay ay hindi. Gayunman, kung makukuha ng Clippers si Kawhi Leonard ay ibang usapan na.

Maaari silang makakuha ng dalawang max players kung bibitiwan nila ang ilang key player.

Kung makukuha ng Clippers sina Thompson at Leonard, siguradong magiging title contender na ang koponan na halos lahat sa roster ay two-way player.
Una na si Patrick Beverley na kilala sa ‘sticky defense’, na sasabayan mo ng Klay Thompson na kayang dumepensa ng point guard hanggang forward at kapag nag-init ay kayang umarangkada ng 37 points sa isang quarter, na may Kawhi Leonard na sinasabing ‘best two-way player today’.

Habang si Montrezl Harrell na nakabibilib ang ipinakita laban sa defending champs Warriors, kilala sa husay sa pick and roll at matikas na rim protector.

Ayon kay Woj, Raptors o Clippers lang ang mangunguna sa serbisyo ni Leonard.

Marami pang oras para pag-isipan ito nina Thompson at Leonard dahil ngayon ay parehong sumasabak pa ang kanilang koponan sa playoffs. Isipin na ang parehong manlalaro na ‘two-way player’ ay isinilang sa Los Angeles.

***
Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o balak itanong, mag-email lamang sa alecpaolo2016@gmail.com.

At patuloy n’yo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online.
Maraming salamat po!